Bb. Pilipinas Hannah Arnold pasok sa Top 15 ng Miss International 2022
UNTI-UNTI nang lumalapit si Binibining Pilipinas Hannah Arnold sa korona ng Miss International nang makasali siya sa susunod na yugto ng patimpalak.
Isa ang 26-taong-gulang na Australian-Filipino forensic scientist at modelo sa Top 15 kalahok na tinawag sa ika-60 edisyon ng patimpalak na kasalukuyang itinatanghal sa Tokyo Dome City Hall.
Narito ang buong talaan ng mga nakapasok sa Top 15:
1. France
2. Finland
3. New Zealand
4. Germany
5. Philippines
6. Cabo Verde
7. Peru
8. Jamaica
9. Colombia
10. Costa Rica
11. Canada
12. Dominican Republic
13. Spain
14. Northern Marianas
15. United Kingdom
Sa pagtatapos ng patimpalak, isasalin ni Sireethorn Leearamwat ang korona sa magiging tagapagmana niya. Siya ang unang Miss International mula Thailand, at siya ring pinakamahabang nagreyna sa kasaysayan ng patimpalak. Nagwagi siya noon pang 2019, ngunit hindi pa nakapagsasalin ng titulo sapagkat walang kumpetisyon noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Mula sa mga pandaigdigang patimpalak na kasalukuyang tumatakbo, sa Miss International pageant nakamit ng Pilipinas ang pinakamalaki nitong tagumpay na may anim na panalo—sina Gemma Cruz noong 1964, Aurora Pijuan noong 1970, Melanie Marquez noong 1979, Precious Lara Quigaman noong 2005, Bea Rose Santiago noong 2013, at Kylie Verzosa noong 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.