HINDI makapigil-hininga ang impeachment complaint na isinampa ni Atty. Oliver Lozano laban kay Pangulong Aquino. Kaya naman, walang mangyayari rito. Pero, kailangang hatakin pa ang pag-iisip para sa maaaring mangyari hanggang sa pagtatapos ng termino ng anak nina Ninoy at Cory. Kapag “nagutom” na ang Kamara dahil hindi na sila bibigyan ng pork barrel, magdadalawang-isip ang mga buwaya.
Baka i-impeach na nila si Noy dahil wala nang pakinabang sa kanya. Hindi na-impeach si Gloria Arroyo dahil hinuhuthutan siya ng mga buwaya, na ang karamihan sa kanila ay nariyan pa rin sa Kamara. Tama si Sen. Miriam Santiago. Hindi pa mai-impeach si Noy dahil may DAP pa.
Noong senador pa si Noy, naghain daw ito ng panukalang batas na bawal sa pangulo ang maglipat ng savings at mag-realign ng pondo. Ang presidente noon ay si Gloria Arroyo. Ngayong siya na ang presidente, inililipat na niya ang savings at nagre-realign ng pera ng arawang obrero, ng taumbayan.
Noong congressman pa si Noy, isinusulong niya ang Freedom of Information Bill. Ngayong siya na ang pangulo, hanggang sa pangarap na lang ang FOI, at sinasapot pa.
Sanay na ang Kano kapag may shutdown, o wala munang suweldo dahil hindi inaprubahan ng Capitol Hill ang panuweldo.
Kanung-Kano tayo at kapag inamyendahan ang Saligang Batas, dapat gayahin natin ang Amerika: Meron din tayong shutdown.
Pero, baguhin natin ito at gawing Pinoy at hindi Kano. Ang unang dapat dumanas ng suplina ng shutdown ay ang Bureau of Customs, na pinasusuweldo ng taumbayan at dinadaya pa’t pinagnanakawan ang nagpapasuweldo sa kanya.
Noong nakalipas na taon, tulo-laway ako sa nakasabay ko sa firing range. Bukod sa kanyang magagandang pistola na galing sa Middle East at Amerika, kaya niyang umorder ng 10,000 rounds. Ako’y 300 rounds lang, bukod pa sa baon na bala na binili sa labas, at precision firing pa para walang masayang na bala. Dahil sa kaibigan ko ang mga range officers dito, sinabi nila na taga-Customs ang shooter na ito, at rank-and-file lang ang kumag. Ha!? At galante’t malaki pa ang tip sa range officer at taga-pulot ng basyo!
Lumang balita na ang panduduktor ng mga opisyal ng National Police sa tunay na bilang ng krimen. Ang promotor sa panduduktor ng bilang ng mga krimen ay ang martial law. Noong 1974, may mga hepe ng pulisya pa rin sa ilang lungsod sa Metro Manila ang nag-ulat ng “zero crime rate.” Kaya hindi na makapaniwala sina Rolando Abadilla at Prospero Olivas dahil ang mga punerarya ay may burol ng mga minarder. Pero, kapag isinumite ang ulat sa “itaas,” zero crime rate pa rin.
Kailangang magsagawa ng sariling pagmamanman si Caloocan Mayor Oscar Malapitan sa matataong barangay sa kanyang lungsod. Nakapagtataka na nawala ang holdapan at snatching sa Bagong Silang.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Para sa akin, okey lang ang makidigma sa magugulo. Dahil sa nangyari pati sibilyan at sundalo ay may kaba sa sarili araw-araw. …1263
Mga magnanakaw talaga ang mga senador at kongresista. Naturingan pa naman silang mga Katoliko. Baka naman ang sisihin pa nila ay mga pari. …2027
Hindi ko nakikita na nahuhubog na ang mga muscle ni Manny Pacquiao. Malapit na ang kanyang laban. Baka matalo na naman siya. …2928
Sana’y dalawin ninyo kami, Tropang Bandera, sa Rio Hondo, Zamboanga City. Lugmok kami sa kahirapan, walang trabaho at nalilipasan ng gutom.
Malapit nang maubos ang tulong mula sa aming mga kamag-anak. Muslim po kami. …8032.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.