Isa pang anak ni Roi Vinzon sasabak na rin sa pageant
NASILAYAN sa entabaldo ng 2022 Binibining Pilipinas pageant ang anak ng aktor na si Roi Vinzon na si Lala David, isa ring artista at mang-aawit. Ngunit may isa pa sa kanilang pamilya na sasabak na rin sa isang patimpalak, si Jamaica David.
Isa si David sa 15 kandidata sa 2022 Miss Teen International Philippines pageant na ipinakilala sa ilang piling kawani ng midya noong Nob. 9 sa Simon’s Place Supreme Restobar sa Quezon City. Marami sa mga kalahok nagpalista para pa sa edisyon noong 2020, na naunsyami dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaya naman minabuti ng organizers na kilalanin ang mga pinagdaanan ng mga kabataan nang ipatupad ang mga pagbabawal upang maampat ang pagkalat ng COVID-19. Inaalok ng patimpalak ang plataporma nila upang makapagpahayag ng sarili, makapagpamalas ng talento, at makapagbahagi ng mga saloobin ang mga teenager, mga bagay na hindi nila lubos na nagawa dahil sa pandemya.
Huling idinaos ang live na pagtatanghal ng Miss Teen International Philippines pageant noong 2019. At nagbabalik ito ngayong taon makaraan ang dalawang-taong pahinga upang pilipin ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Teen International contest sa India.
Sa India rin huling itinanghal ang pandaigdigang patimpalak, nitong Hulyo lang.
Inulat naman ng organizers, na pinamumunuan ni national director Charlotte Dianco, na maliban sa main title, apat na korona pa ang igagawad, kaakibat ang pagkakataong maging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Teen Earth, Miss Teen World, Miss Teen Model International, at Miss Teen Model Universe pageant.
Subalit hindi sa coronation night pipiliin ang mga tatanggap ng karagdagang mga titulo. Sa halip, igagawad ito sa mga mapipiling kandidata sa isang hiwalay na okasyon pagkatapos ng patimpalak.
Itatanghal ang 2022 Miss Teen International Philippines coronation night sa Tanghalang Pasigueño sa Pasig City sa Nob. 12.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.