SB19 senti mode sa ika-4 na anibersaryo, sinorpresa ng staff: ‘Parang hindi mo namamalayan na four years na pala kami’
APAT na taon na sa mundo ng music industry ang Pinoy pop group na SB19 at dahil abala sa kanilang world tour ay sinorpresa sila ng kanilang staff.
Ang mini surprise ay ibinandera sa YouTube ng SB19 at naisipan daw ‘yan ng kanilang team habang sila ay nasa Davao.
Sey pa sa caption ng video, “During SB19’s WYAT Tour Davao leg, their team did a mini surprise for them since they cannot celebrate their 4th anniversary as they are preparing for their world tour.”
Mapapanood sa 3-minute video na ginanap ang simpleng selebrasyon sa isang kwarto sa hotel na nilagyan ng mga dekorasyon.
Lubos namang nagpasalamat ang grupo sa kanilang staff at tila ngayon lang na-realize na apat na taon na pala ang kanilang grupo.
Sabi ng lider at main rapper ng grupo na si Pablo, “Ako sobrang happy ako kasi siyempre parang hindi mo namamalayan na four years na pala kami.
“Parang hindi mo namamalayan na ang dami nang pinagdaanan at andito na kami ngayon, nagwo-world tour after 4 years.”
Napa-senti mode naman ang isa pang miyembro at sub-vocals ng grupo na si Josh at nagpasalamat sa mga sumusuporta sa kanila, lalong-lalo na ang kanilang fandom na “A’tin.”
Chika ni Josh, “Parang dati naglolokohan lang at nangangarap lang, ngayon dumating na tayo dito.
“Siyempre hindi mangyayari ‘yan kundi dahil sa ating mga minamahal na A’tin at siyempre ‘yung mga sumusuporta sa likod ng camera.”
Humiling naman si Pablo na sana ay tumagal at tumibay pa ang samahan ng SB19 at sana raw ay sumikat ang P-Pop sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
“Siguro wish ko lang na siyempre 4 years na tayo, iisipin mo, matagal na ba ‘yung 4 years? Gusto kong mas tumagal pa rito, mas ma-strengthen pa, at siyempre ‘yung goal natin gusto nating makilala ang P-Pop all over the world,” aniya.
Sa October 29 na mag-uumpisa ang kauna-unahan nilang international tour at ang first stop nila ay ang Dubai, kasunod ang U.S. at Singapore.
Bukod sa bagong single ng grupo na “Where You At,” Asahan daw sa kanilang concerts ang mas magaling, mas mature at kakaibang SB19.
Read more:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.