Ninong Ry mala-‘chef levels’ ang pinakain sa 350 inmates: Hoping na makapagbigay ito ng konting ngiti sa kanilang mga labi
SUMABAK sa kakaibang luto challenge ang food vlogger na si Ninong Ry matapos imbitahan sa isang kulungan sa San Juan City.
Game na game niyang ipinagluto ang 350 inmates ng San Juan City Jail Male Dormitory, kabilang sa mga espesyal na putahe na kanyang inihanda ay beef caldereta, roasted chicken at ginisang toge with butter.
Ang swerte diba, mala “chef levels” ang mga pagkain!
Sa latest YouTube video ni Ninong Ry, mapapanood mismo ang kanilang preparasyon, pagluluto, at hanggang sa pamamahagi ng mga niluto.
Ipinakita niya rin na mahigit 24 hours ang itinagal bago sila matapos sa mga handa.
Ikinuwento rin sa video na ang DJ na si Karen Borador ang nag-alok kay Ninong Ry para ipagluto ang mga preso.
Si Kren ay dating nakulong dahil sa kasong droga, pero siya’y pinalaya rin matapos ang limang taon.
“Nilapitan niya [ni Karen] tayo kung gusto ko raw bang magluto rito, sabi ko, ‘oo naman’ kasi hindi naman araw-araw may ganito na pagkakataon diba,” sey ng vlogger.
Dagdag pa niya, “Simpleng meal lang, hindi naman siya sobrang extravagant diba, pero hoping na makapagbigay ito ng konting ngiti sa kanilang mga labi.”
Ayon naman kay Karen, naisipan niyang gawin ito bilang pagdiriwang na rin ng “National Correctional Consciousness Week” ng presinto.
Chika ng DJ, “Marami pa talaga ang hindi pa nakakakain ng masasarap na pagkain sa loob ng mga selda nila.
“Sa City Jail kasi siyempre ‘yung mga pagkain nila like upo lang, or ‘yung mga basic na talagang less than even their minimal.
“So today, I’m hoping Ninong Ry will make them super happy by feeding them quality food like chef levels food, and I think Ninong Ry will make them smile even if it’s just for a day.”
Bukod sa pagluluto, naging judge din ang YouTuber sa isinagawang talent competition sa loob ng presinto.
Nagkaroon pa siya ng pagkakataon na magbigay ng speech at sinabing hindi raw niya akalain na marami siyang natutunan.
“Akala ko magluluto lang ako sa ibang environment, pero sobrang dami kong natutunan, sobrang dami kong narinig na kwento, sobrang bumukas ang isipan ko,” sabi ni Ninong Ry.
Aniya, “Iba siya, hindi lang ako nagluto basta sa ibang lugar, nagluto ako sa ibang mundo at marami akong nakilalang tao at narinig na kwento na sana sa pamamagitan ng pagbabahagi ko ng videos sa internet, marami rin ang makakita at makaalam na mayroong ganito.”
Sa pagtatapos ng video, nagpayo pa siya sa mga manonood na buksan ang isipan at huwag basta-bastang manghusga.
“Sana mga inaanak, tingnan nating mabuti kung ano ang mga nasa paligid natin, I mean, hindi naman lahat ng bagay ay ‘yun na siya sa unang tingin… Parang lahat ng bagay ay may lalim pa ‘yan, parang think of everything in complex,” sey niya.
Isang araw pa lang mula nang ibinandera ni Ninong Ry ang latest vlog at as of this writing ay umaani na ito ng halos 950,000 views sa YouTube.
Read more:
Ninong Ry inaming naging tindero sa palengke: It taught me na there is no job beneath you
Ninong Ry sa mga kapwa chubby: Pilitin nating mahalin ang sarili natin
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.