Bandera Editorial
PUWEDE bang ibalik ang mascot na si Yosi Kadiri, na inilunsad ni ex-Health Secretary Juan Flavier?
Walang hayagang kumontra sa kampanya at nakarating sa maraming lugar si Yosi Kadiri bilang bahagi ng kampanya. Bagaman malamya pa rin ang kampanya ni Flavier, dahil ito’y nakatuon lamang sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at layon lamang na ipahiya o pandirihan ang mga kumakain at bumubuga ng usok, marami pa rin ang natuwa at nagpasalamat kay Flavier dahil talagang kadiri ang usok at amoy sa mga di naninigarilyo.
Maraming nahawa sa kampanya ni Flavier at tumulad ang ilang pangunahing mga lungsod. May mga lungsod na nagtanghal na “smoke-free” at may mga nagpataw ng mas mataas na multa sa mahuhuling naninigarilyo sa pampasaherong jeepney, mga kulob na restaurant, at pati sa bangketa.
Pero, nawala rin ang ningas ng damong cogon. Nang manalo si Noynoy Aquino at nakatakda nang mamuno, binanatan ang kanyang paninigarilyo. Malinaw na hindi aalisin ni Aquino ang yosi, kundi sisikapin niyang mapigilan ito.
Yosi Kadiri muli? O walang mangangahas na maglunsad ng seryosong kampanya laban sa paninigarilyo dahil nasa matataas na puwesto na ng gobyerno ang mga maninigarilyo?
Bandera, Philippine News, 060210
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.