Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan. Nguni’t ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal –Kawikaan 15:27
IBINUYANGYANG na rin ng Senado’t Kamara ang kanilang pagkagahaman sa pera (nakabuyangyang, itinuturo, pero hindi inaamin ng lahat; ang magnanakaw nga naman).
Mga ganid na buwaya, mismo. Mga lintang ayaw mamatay, hindi nauubos, kundi sinusundan at hinahalinhan pa ng kanilang mga asawa’t anak, mga kapatid at pinsan, pamangkin, atbp., para lamang habang nabubuhay ang angkan ay patuloy na pagnanakawan ang mahihirap na ginagawang tanga’t bobo sa pamamagitan ng pagsubo ng marurumi at ka-imoralidad ng showbiz (di ba’t ang nanggaling sa malinis ay nagpakadumi sa pang-aagaw ng asawa ng may asawa?).
Dahil sa naiipit na, idinamay ni Sen. Jinggoy Estrada ang kapwa mga senador na tumanggap ng dagdag na P50 milyon nang bumoto sila para ma-impeach si Chief Justice Renato Corona.
Labis na ikinatuwa ito nina Corona at napakaraming batikang mga abogado na naniniwalang kinuyog lang si Corona at hindi idinaan sa katuwiran at tunay na proseso ang pagpapatalsik sa kanya, kinuyog bilang pagsunod sa utos ng makapangyarihan.
Pero, hindi na maibabalik sa puwesto si Corona. Ang kanyang puwesto, na pinakaaasam-asam ng lahat ng abogado, ay mananatiling ala-ala na lamang.
Aha, mas lalong nag-init ang ulo ni Estrada dahil hindi maalala ng karamihan sa kanyang mga kasama sa Senado na sila’y tumanggap nga sa Malacanang ng P50 milyon nang tuluyan na ngang mapatalsik si Corona.
Bukod sa nahawa ng malubhang sakit sa limot ang karamihan ng nagpatalsik kay Corona, iba-iba na ang ikinakanta ng mga ipinagpipitagang mga magnanakaw sa Senado hinggil sa perang ipinamudmod ng Department of Budget and Management.
Ito na pala ang palusot sa Senado ngayon. Ang palusot ng mga magnanakaw. Kung gayon, madali nang maintindihan ng arawang obrero, ng taumbayan, ang damdamin ng mga magnanakaw sa Senado.
Wala silang ipinagkaiba sa limang holdaper na nahuli ng mga pulis-Maynila kamakailan. Pagkatapos na isa-isang dumating sa presinto at sinimulan na nga ang imbestigasyon, aba’y makatuwiran at kapani-paniwala na sa bobo ang kanilang palusot.
Bigla na ring nahawa ng sakit sa limot ang ilan sa kanila. Magnanakaw sa Senado, holdaper sa pampasaherong jeepney, iisa lang ang kanta kapag nahuli.
Ang perang tinutukoy ni Estrada ay ikaapat sa taunang P200 milyon Priority Development Assistance Fund sa bawat senador. Iginiit ni Estrada na lump sum appropriation iyan kaya hindi puwedeng makalimutan iyan ng mga senador.
Dahil sa sukol na, inamin ni Budget Secretary Florencio Abad, ang napakalapit kay Gloria Arroyo sa retrato nang manumpa ang ale sa EDSA Shrine nang mapatalsik si Joseph Estrada dahil sa pera, na inilabas ang P1.107 bilyon karagdagang baboy (napakalaking pera iyan ng arawang obrero at taumbayan) pagkatapos sipain si Corona dahil sa “betrayal of public trust and culpable violation of the Constitution.”
Kumpirmado, may inilabas na pera pero ito raw ay base sa “Disbursement Acceleration Program” na ipinatupad nang maging pangulo ang anak nina Ninoy at Cory para raw mapabilis ang paglago ng ekonomiya (susme, ang lumago ay ang bilang ng nagugutom at walang trabaho).
Ang mga tumanggap ng baboy, ayon kay Abad, ay sina Antonio Trillanes (P50 milyon), Manuel Villar (P50 milyon), Ramon Revilla (P50 milyon), Francis Pangilinan (P30 milyon), Loren Legarda (P50 milyon), Lito Lapid (P50 milyon), Jinggoy Estrada (P50 milyon), Alan Cayetano (P50 milyon), Edgardo Angara (P50 milyon), Ralph Recto (P23 milyon, P27 milyon), Koko Pimentel (P25.5 milyon, P5 milyon, P15 milyon), Vicente Sotto III P11 milyon, P39 milyon), Teofisto Guingona (P35 milyon, P9 milyon), Serge Osmena (P50 milyon), Enrile (P92 milyon) at Franklin Drilon (P100 milyon).
Kahindik-hindik at nakagagalit, anang pinatalsik na mga MMDA traffic enforcers, mga pulis at isang piskal, ang nangotong ng P5,000 lang.
Ibig man nilang tumakbong mga senador sa susunod na halalan ay hindi puwede dahil ang kanilang nais ay hanggang sa panaginip lamang.
Ang lahat ay may katapusan.
——
Lahat ng nilalang ng Diyos ay mayroong wakas. At ang
masasama, sa kaparusahan babagsak. –Kawikaan 16:4
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.