MEGAN YOUNG tinalbugan ang pork barrel scam, pambawi sa mga kanegahan ng Pinas
“Megan Young nailed it!” Ganu’n ang isa sa mga mensaheng tinanggap namin nu’ng Sabado nang gabi nang masungkit ng ating kinatawan sa Miss World na si Megan Young ang titulo sa pinakaunang pagkakataon.
Napakaganda naman kasi ng dalaga nu’ng gabing ‘yun, sumusubo ang kanyang kagandahan, bukod pa sa matalino siyang sumagot at kung makarampa ay akala mo wala nang bukas pang susunod.
Sa mahigit na isandaang kandidata sa Miss World ay ang ganda at talino ni Megan ang naglampaso sa kanilang lahat, ganu’n na lang ang pagbubunyi sa kanya ng mga kababayan nating matagal nang nagtatrabaho sa Indonesia, ibang klase talagang sumuporta ang mga Pinoy sa kanilang mga kababayan.
Sa umpisa pa lang ng labanan ay alam mo nang makakakuha ng posisyon si Megan, isa kasi siya sa mga nangunguna sa botohan, pumuwesto rin siya sa mga challenges sa pre-pageant.
Tingnan mo nga naman ang buhay, parang kailan lang ay nakikita lang namin si Megan Young sa bakuran ng TV5 na kumokolekta ng kanyang talent fee, huli siyang napanood bilang kontrabida sa Misibis Bay na pinagbidahan ni Ritz Azul, ngayon ay meron na siyang maipagmamalaking titulo sa kumpetisyong pangbuong mundo, sa labanan na ngayon pa lang tunay na pinagreynahan ng isang Pilipina.
Sa isang pagkakataong sikat na sikat ang Pilipinas sa kung ano-anong katiwalian ay may isang pangsalit na magandang balita tungkol sa ating bayan, ang pagiging Miss World ni Megan Young, isang dalagang mula sa isang mahirap na bansa na tulad ng Pilipinas.
Isang malaking karangalan para sa ating bansa ang bitbit ni Megan Young sa kanyang pagbabalik, nagpunta siya sa Indonesia na nangangarap lang, pero ngayon ay isang reyna na siya sa kanyang larangan.
Minsan pa ay mabuhay ang lahing Pinoy!
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.