Bakit biglang nag-resign si Alex Gonzaga sa noontime show ng TV5?
“NAG-RESIGN na si Alex Gonzaga sa Lunch Out Loud (LOL),” ang sabi ng “Showbiz Now Na” host na si Nanay Cristy Fermin na in-upload ngayong hapon sa YouTube channel nila nina Romel Chika at Morly Alinio.
Siyempre natanong ng co-hosts ni Nanay Cristy kung bakit nag-resign si Alex gayung isa siya sa nagsimula ng “LOL” sa TV5.
“Kaming mga taga-TV5 dati hindi na kami naninibago kay Alex, Dyusko, si Mommy Pinty (Gonzaga) pa?” makahulugang sambit ni ‘Nay Cristy.
Dagdag pa, “E, hindi ba’t nu’ng dumating sa ating istasyon si Tita Wilma Galvante biglang umalis si Alex kahit meron pang pananagutan sa TV5, lumipat ng ABS-CBN?
“Ang katwiran niya kasi raw si tita Wilma, pag-iinitan daw siya dahil galit kay Toni Gonzaga. Anong kinalaman ng kapatid niya sa kanya? At sa galit kung mayroon man?
“Ano ‘to hampas sa kalabaw, sa kabayo (ang) latay? So, sanay na tayo na biglang nawawala, umaalis kahit mayroon pa dapat pang i-perform ika nga,” sabi ng beteranang manunulat.
“May dapat pang tapusin. May mga commitment pa na hindi niya ginagawa,” sambit ni Morly.
“Katulad dito sa LOL, may isang buwan pa siyang natitira pero hindi na siya sumipot,” pambubuking ni Nanay Cristy.
Sabi naman ni Romel, “Ang pangit naman.”
“Apat ang ibinibigay na dahilan (ni Alex). Una, nu’ng pumasok daw siya sa Lunch Out Loud, ang sabi sa kanya ay noontime show. Totoo naman pagpitada ng alas-dose ang Lunch Out Loud, totoo naman.
“E, sa pagba-back-to-back ngayon (It’s Showtime) pre-programming na lamang itong Lunch Out Loud nitong It’s Showtime na lumipat na nga ng TV5 at A2Z.
“Ibig sabihin niya double program na ito? Parang pangalawa na lang sila, hindi na prayoridad?” tsika ni Nanay Cristy.
“May ganu’n factor?” tanong ni Morly.
View this post on Instagram
“Saka siguro napi-feel niyang hindi ako star dito kasi pre-programming ako?” saad naman ni Romel.
“Pre-prog, e, baka,” sambit ni Nanay Cristy.
At ang ikalawang dahilan ni Alex, “Nu’ng pumasok siya sa Lunch Out Loud dalawang oras, pero dahil pre-programming na lang sila binawasan ang oras nila ng kinse minutos. One hour and 45 minutes na lang daw ang oras nila.”
Hirit ni Romel, “Ano ba ‘yun kinse minutos lang hindi pa pinagbigyan na ‘okay lang po para masaya lang at sana walang problema pareho lang naman ang bayad.'”
“Respeto iyon sa mga nagdedesisyon kung anong oras,” giit naman ni Morly.
“Hindi mo dapat lulundagan,” say ni Nanay Cristy.
“Pangatlo, siyempre ang It’s Showtime raw ay ABS-CBN pa rin ang tututok, ang nagpapatakbo. Natural daw ‘yung Lunch Out Loud hindi na magiging prayoridad kasi Brightlight Productions sila, so parang ganu’n,” sabi pa ng manunulat.
“So parang pinangungunahan na niya,” sabi rin ni Morly.
“At ang ikaapat na nakikitaan ko naman ng rason 50% plano na raw nilang mag-asawa pagkatapos ng miscarriage niya na magkaroon ng anak sa taon na ito. Sabi raw ng kanyang doktor maghinay-hinay, magbawas ng trabaho.
“Siyempre ang pipiliin niya ang pagba-vlog nya (dahil) milyones ang kinikita niya ro’n kumpara sa Lunch Out Loud na siya man ang pinakamalaki na binabayaran ang talent fee ro’n , barya-baryatik pa rin kumpara sa milyones,” sabi pa ng TV and radio host.
Diin nga ni Morly, “Hindi niya bibitawan ang vlog niya ate Crisry.”
“Tapos makikisama pa siya sa marami (sa LOL),” dagdag ni Romel.
“Oo, (sa vlog) doon (LOL) wala siyang boss, siya lang ang mag-isa. Pero ako alam n’yo hindi ko masyadong nakikita ‘yung mga dahilan ni Alex para sakyan ko.
“Unang-una Lunch Out Loud pang-tanghali! Ano naman kung naurong kayo ng isang oras para pagbigyan n’yo ‘yung ka-back-to-back n’yo? Ikalawa, ano ‘yung kinse minutos na nabawas? Ikayayaman (o) ikahihirap n’yo ba ‘yan Alex?
“Pangatlo, bakit kaagad tinitingnan n’yo na porket ang magpapatakbo ay ABS-CBN, e, hindi na magiging prayoridad ang Lunch Out Loud ng Brightlight? At ‘yung ikaapat kung tungkol sa plano n’yo ng iyong asawang konsehal ay magkaanak na ngayong taon na ito at kailangan hinay-hinay ka na sa pagtatrabaho, e, ang kulit-kulit mo rin naman sa vlog mo, eh. Para ka ring kiti-kiti ro’n, eh,” diretsong sabi ni Nanay Cristy.
“Oo, mga dahilan ito ng ayaw ng magtrabaho,” sambit ni Romel.
“Ako ate Cristy nirerespeto natin ‘yan. Kung anuman ‘yung mga desisyon niya, anuman ‘yung mga sinasabi niyang dahilan inire-respeto po namin ‘yan. Pero sana nga lang ay maging totoo siya sa kanyang sarili,” say ni Morly.
Nabanggit din ni Romel na lagi kasing idinadahilan ni Alex kapag may mga proyektong hindi nasisipot ay laging dahilan na gusto nang magkaanak at sana nga raw matuloy na ito.
Say naman ni ‘Nay Cristy, “Ang manager kasi nila nanay nila, eh, si Aling Pinty.”
Opinyon naman ni Morly, “Hindi kaya ate Cristy kung saan ang mas mataas na talent fee doon sila?”
Sa isip naman ni Nay Cristy ay tila ayaw magpakabog ni Alex sa mga artista ng “It’s Showtime” dahil obviously malalaking artista lahat kung ikukumpara sa hosts ng “Lunch Out Loud.”
“Yung mababaw na dahilan, hindi kinakagat ng publiko ‘yan. I’m sure hindi maniniwala ang publiko dahil diyan sa kinse minutos na ‘yan,” say ni Nanay Cristy.
Pero kahapon Lunes ay dumating si Alex sa “LOL” para kumpletuhin ang isang buwan bago niya tuluyang iwan ang programa na malinaw na usapan ng Brightlight management at ng kampo ng TV host-vlogger.
https://bandera.inquirer.net/306496/true-kaya-lunch-out-loud-ng-tv5-matsutsugi-na
https://bandera.inquirer.net/318036/showtime-lunch-out-loud-sanib-pwersa-sa-pagpapasaya-ng-madlang-pipol
https://bandera.inquirer.net/314246/hirit-ni-lolit-solis-kayang-talunin-ng-lunch-out-loud-ang-its-showtime
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.