Bandera Editorial
Iyan si Pacquiao…
TULALA ang mga politikong inismol si Manny Pacquiao, seven division world boxing champion, nang mabalitaang dinalaw nito, kasama ang asawang si Jinkee, si President-elect Noynoy Aquino sa bahay ng kanyang mga magulang sa Times st., Quezon City.
Hindi lang naman inismol si Pacquiao ng mga basahang politiko (trapo, o traditional policitian). Pinagtawanan pa, nang talunin ni Darlene Antonino Custodio bilang kinatawan ng Kamara sa Timog Cotabato. Nang ihayag ni Pacquiao na lalabanan niya ang dynasty ng Chiongbian sa Sarangani, na iniluklok sa trono ng taumbayan sa loob ng 30 taon, mas lalo siyang inismol at pinagtawanan.
Mismong tanyag na mga sportswriters ang mas magagaling pa kay Pacquiao. Pinayuhan si Pacquiao na huwag na muling sumabak sa politika dahil baka madapa na naman. Di matibag na mga katuwiran ang isinalaysay ng mga sportswriters na si Pacquiao ay pang-sport lang at di pang-politika.
Pero, ginulantang ng katanghaliang balita ang mga basahan at sportswriters kahapon, nang ibandera na si Pacquiao ay maayos na tinanggap ni Noynoy.
Si Pacquiao ay pandaigdigang atleta, na walang politika; marunong tumanggap ng pagkatalo (ng kanyang kinatigan), dahil, isport lang.
* * *
…iyan si Gloria
TINANGGIHAN ni Pangulong Arroyo ang susog na pamunuan niya ang Kamara, maging Speaker at maging banta sa administrasyong Noynoy Aquino (kapag Speaker nga naman at kanya ang mayorya, madaling makalulusot ang impeachment case na ihahain kay Aquino at di rin ito magbabara sa Senado kung ang panguluhan ay kay Sen. Manny Villar).
Handa ang Liberal Party sa susog kay Arroyo. Kaya nga sila’y nakikipag-usap na at tumatawid ng kabilang mga partido para di makuha ni Arroyo ang mayorya at mabigo ang hangad na maging Speaker.
Pero, mismong si Arroyo na ang naghayag na di niya balak maging Speaker.
Klap, klap, klap.
Ani Arroyo, gagayahin niya si Sonia Gandhi ng India, na namuno ng Congress Party of India nang walang mataas na posisyon, pero kontrolado niya ang gobyerno.
Iyan ang mas malalim. Iyan ang dapat pag-isipan ng mga bobong basahang politiko.
Bandera, Philippine News, 051910
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.