DEAR Aksyon Line,
Magandang araw po sa inyong lahat diyan. Self-employed member po ako ng PhilHealth na dati po ay Medicare. Sa hindi po malaman na dahilan ay hiniwalay nila ang pagbabayad ng SSS at Philhealth.
Ang sabi po nila sa akin nang magtanong ako sa opisina nila ay wala namang mababago sa mga benipisyo. Nagtanong po kasi ako sa kanila kung anong benipisyo ang makukuha ko kung ipagpapatuloy ko ang pagbabayad bilang self employed.
Pero ako ay nagtataka at sa pakiwari ko ay parang hindi naman nasusunod ang benipisyo na dapat pakinabangan ko bilang self employed member.
Sa tuwing gagamit ako ng PhilHealth isang araw palang ay excess na.
Malaki po lagi ang binabayaran ko sa ospital at ang nakakainis pati ang mga gamot na binili ko ay hindi na naibabalik sa akin ang pinambayad ko.
Eduardo Ocbian, Labasbas
Brgy 33 Purok 2
Penaranda St.,
Legazpi City
REPLY:
Isang pagbati mula sa PhilHealth!
Nais po naming ipaalam sa inyo na sa bisa ng Republic Act 7875, as amended by RA 9241 & RA 10606, and dating Medicare program noong 1970s ay mas pinalawig pa dahil sa pagsasabatas ng National Health Insurance Program (NHIP) noong ika-14 ng Pebrero 1995. Upang maisakatuparan ang mandato ng NHIP na lahat ng Pilipino ay magkaroon ng benepisyong medikal at maka menos sa mga gastusin, itinatag ang ahensyang PhilHealth.
Kung kaya’t nilipat na sa PhilHealh ang membership & collection functions noon ng GSIS-Medicare (para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno), SSS-Medicare (na para sa mga miyembrong nasa pribadong kumpanya) at OWW-Medicare (para sa mga landbased OFWs). Para mas mapaganda pa ang impelmentasyon ng NHIP, PhilHealth na ang syang naatasan ng mala-king responsibilidad na ito. Kung kaya’t alinsunod sa magagandang adhikain ng batas, ito po ang pinaka dahilan bakit inilipat po ang pagbabayad sa SSS at PhilHealth.
Sa inyong katanungan tungkol sa benepisyo, nais rin po naming ipaalam sa inyo na ang isang aktibong member ng kahit na anong membership category sa PhilHealth, maging ang kanyang kwalipikadong dependents tulad ng (1) Legal na Asawa na hindi miyembro ng programa, (2) lahat ng Anak 20 taong gulang pababa na walang asawa o walang trabaho, at (3) magulang 60 taong gulang pataas na hindi SSS o GSIS Retiree / Pensioner, ay makikinabang din sa benepisyo na handog ng PhilHealth. Dahil ang isang aktibong miyembro ay may 45 na araw na ekslusibong hospitalization benefits kada taon at ang kanyang kwalipikadong dependents naman ay may 45 na araw na paghahatian kada taon.
Wala pong mababago sa inyong benepisyo bilang isang self-employed member at makakamit pa rin kayo ng benepisyo tulad ng “In-patient Benefits”- kapag na confine ka sa isang accredited private o government hospital ng lagpas 24 oras dahil sa pagkakasakit o pagkaka-aksidente, may makukuha kang benefits allowance sa bayad sa kwarto, sa mga gamot at laboratoryo at professional fees ng doctor, etc. Kung may kailangang bilhin na gamot sa labas, maaari rin po syang ma reimburse sa PhilHealth basta naaayon sa aming polisiya at hindi pa lumalagpas sa nakatakdang halaga per confinement.
Meron din po tayong “Out-Patient benefits”, 23 na “Case Rates benefits” tulad ng ng Dengue 1 na may nakatakdang halaga na Php 8,000 na sinasagot ng PhilHealth, at iba pa.
Kung sakaling may nais pa kayong malaman, linawin o idulog sa PhilHealth, tumawag lang po kayo sa aming Call Center 4417442 o magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth sa inyong lugar.
Maraming salamat po sa inyong pagliham.
Gumagalang,
Delio Aseron II
Deputy Spokesperson
Head – Corporate Action Center
Email: [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.