Miss International Precious Lara Quigaman ka-join na sa Bb. Pilipinas execom
MAKALIPAS ang halos 17 taon mula nang ibigay ni Precious Lara Quigaman sa Pilipinas ang ikaapat nitong panalo sa Miss International noong 2005, nagbabalik siya pageant na sinalihan niya nang dalawang ulit at bumago sa buhay niya, ang Binibining Pilipinas pageant.
Ngunit babalik ang beauty queen-turned actress at content creator sa patimpalak hindi bilang isang panauhin, kundi bilang bahagi ng pangkat na nagdaraos ng taunang paligsahan.
Sa press presentation ng 40 opisyal na kandidata na isinagawa sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Hulyo 5, ipinakilala ng mga host na sina Bb. Pilipinas International Hannah Arnold, Bb. Pilipinas Grand International Samantha Panlilio, at Miss Intercontinental Cinderella Faye Obeñita si Quigaman bilang “newest member of the executive committee” ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI)
Kasama si Quigaman sa mga inampalan sa press presentation, kabilang ang kapwa niya executive committee member na si Raymond Villanueva, Bb. Pilipinas trustee na si Irene Jose, at Stellar Social Events Head na si Chit Guerrero.
Iniskoran na ang mga kandidata sa naturang programa, at isasama ang mga iskor sa mga resulta ng susunod pang kumpetisyon upang matukoy ang mga finalist na uusad sa susunod na yugto ng patimpalak pagdating ng finals night.
“Actually I can’t believe it. Medyo na-overwhelm ako nang sinabi nila sa akin,” sinabi ni Quigaman sa Inquirer. “Grabe it’s really an honor,” pagpapatuloy pa niya.
Sinabi niyang sisipot siya tuwing kakailanganin siya ng Bb. Pilipinas. Nauna na rin siyang napabilang sa pangkat na sumala sa mga aplikante ng patimpalak, at pumili sa mga naging opisyal na kandidata ngayong taon.
Hangad niyang makapagpatupad ng ilang bagong patakarang maaaring makita ng mga tao bilang tatak niya sa Bb. Pilipinas. “But medyo nahihiya pa ako bilang bagong salta ako,” ibinahagi niya.
Maliban kay BPCI Chair Stella Marquez Araneta, ang unang Miss International, si Quigaman na ang natatanging dating beauty queen na mapapabilang sa executive committee.
“The experience that I have with Bb. Pilipinas before, I think I know what the girls are going through. So in a way I think I will be able to help them with that through this pageant. What I went through before, I can share with them, especially sa training nila for international competitions,” pagpapatuloy pa ni Quigaman.
Apat na korona ang paglalaban ngayong taon—Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Intercontinental, Bb. Pilipinas Globe, at Bb. Pilipinas Grand International.
Itatanghal ang 2022 Bb. Pilipinas grand coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 31, at mapapanood nang sabay sa Kapamilya Channel, Metro Channel, TV5 at A2Z.
Mapapanood din ito sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng iWantTFC app at sa official YouTube channel ng Bb. Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.