Robin naospital sa Spain: Nagdilim ang paningin ko, bumagsak ako sa may puno…hilung-hilo ako
HINDI maipaliwanag ni Senator-elect Robin Padilla ang nangyari sa kanya habang namamasyal sila ni Mariel Rodriguez kasama ang kanilang mga anak sa isang park sa Madrid, Spain.
Kuwento ng bagong-halal na senador, kahapon, May 31, magkakasama sila ng kanyang mag-iina na nagba-bonding sa isang lugar sa Madrid nang bigla na lang siyang makaramdam ng matinding hilo.
Sa kanyang Facebook page, ikinuwento ni Robin ngayong araw ang nangyari sa kanya kasabay ng pagpapasalamat niya kay Mariel at sa mga sumaklolo sa kanya sa isang clinic sa Madrid.
“Napakahirap intindihin ng nangyari sa akin. Wala akong kahit anong sakit pero bigla na lang nawalan ng lakas ang tuhod ko habang naglalakad sa parke dahilan para kagyat ako umupo sa ilalim ng puno,” simulang kuwento ni Sen. Robin.
“Nagdilim ang paningin ko at bumagsak ako sa puno sa likod ko. Hilong-hilo ako.
“May Espanyol ako na naririnig ko sa paligid ko. Kinakausap ako, parang nais niya ako alalayan. Ilang sandali ay lumiwanag ang paningin ko, nanumbalik ang lakas ng tuhod ko.
“Dahan-dahan ako tumayo. Inalalayan ako ng Espanyol. Hindi ko siya naiintindihan kaya sabi ko lang, salamat Señor.
“Hinanap ko kung nasaan ang asawa ko. Nakita ko ang dalawa naming kapamilya kasama si Gabzy [ng bunso nila ni Mariel] na himbing na himbing sa kanyang stroller.
“Wala si Mariel kasama si Isabela na nakasakay sa isa sa mga rides.
“Nahihirapan na ako huminga. Bumibigat ang dibdib ko. Kailangan ko na pumunta sa ospital,” pagbabahagi ni Binoe sa nangyari sa kanya.
Sa kabila ng matinding hilo na nararamdaman, talagang pinilit ni Robin na maglakad para pumara ng taxi na magdadala sa kanya sa ospital pero wala siyang nakita, “Nag-message ako sa kababata ko na sunduin ako at magdala ng taxi.
“Nag-message din ako kay Sir Ambassador Lhuillier (Philippe Jones Lhuillier, ambassador ng Pilipinas sa Spain) tulungan ako na makapunta sa ospital.
“Nararamdaman ko na naman na nawawalan ng lakas ang tuhod ko. Parang babagsak na naman ako.
“Pagtingin ko sa kaliwa ng entrance gate, nakita ko ang clinic. Pinuntahan ko agad ito, pumasok at sinalubong ako ng nurse na marunong mag-Ingles.
“Sinabi ko sa kanya ang nangyayari sa akin. Pinaupo niya ako kinunan ng blood pressure, 200/150.
“Nagulat ang nurse. Inulit (ang pagkuha ng BP) gano’n ulit. Nagdesisyon siyang tumawag ng ambulance.
“Ilang saglit, dumating na si Mariel at si Isabela. Nagkaroon ako ng ngiti at nakabawas ng pagkagulo ng isip,” lahad ng senador.
Patuloy pa niya, “Pinainom ako ng pampababa ng blood pressure pero walang ipinagbago. Dumating ang ambulansiya, sinaksakan ako ng dextrose/ECG. Unti-unting umepekto ang gamot, naging 140/104 (blood pressure).
“Napanatag ang lahat, dahilan para alisin na ang mga aparato ng ambulansiya. Babayaran sana ni Mariel pero libre pala ang emergency service,” aniya pa.
Personal ding nagtungo si Ambassador Lhuillier sa kinaroroonan ni Robin at nagdesisyong dalhin na ang aktor sa ospital para masuring mabuti.
“Parang Pilipinas din, kailangan ang deposito. May mga test ang ginawa sa akin. Blood test, X-ray, urine, lahat ay normal. Binigyan lang ako ng gamot sa high blood good for 5 days,” sabi ni Binoe.
Feeling ni Robin baka raw dala lamang ng pagkakaedad ang nangyari sa kanya o dahil sa matinding pagod at stress dulot ng nakaraang eleksyon.
Sa ngayon, mabuti na raw ang kalagayan ng aktor at senador, ayon na rin sa kaibigan at manager na si Betchay Vidanes.
https://bandera.inquirer.net/314260/robin-muling-nakasama-si-mariel-2-anak-sa-spain-susulitin-ang-bakasyon-bago-sumabak-sa-senado
https://bandera.inquirer.net/312958/miss-universe-spain-2021-sarah-loinaz-gwapung-gwapo-kay-alden-richards-pero
https://bandera.inquirer.net/303651/ruru-bilib-na-bilib-kay-kylie-walang-arte-walang-reklamo-i-will-always-care-for-you
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.