Sinungaling na 'your honor', chiefs of staff | Bandera

Sinungaling na ‘your honor’, chiefs of staff

Jake Maderazo - September 23, 2013 - 03:00 AM

MABUTI naman at hindi na magsasalita pa ang DOJ-NBI sa merito o detalye ng  isang trak na ebidensya nila laban sa tatlong senador, dalawang dating congressman at iba pa matapos isampa ang plunder case sa Ombudsman.
Maging ang imbestigasyon “in aid of legislation” ng Senate blue ribbon committee sa pork barrel scam  ay  dapat na ring itigil dahil parang kumukuha lamang ng  ideya o pandepensa itong mga akusado mula sa mga pahayag ng mga whistleblowers at mga government officials.
Kung gustong ipagtanggol ng mga mambabatas ang kanilang sarili, makakakuha naman ang mga abugado nila ng kopya ng demanda na isinampa ng DOJ at NBI kasama na ang mga dokumento. Doon at maging sa executive summary, makikita ng mga akusado ang “paper trail” ng pera at kaukulang mga vouchers,  ledgers at maging bank statements ng mga transaksyon.
Kaya naman, nakakatawa itong mga depensa ng mga Your Honor natin.  Tila ang dinidiin nila ay ang kanilang mga chief of staff na pareho ring nasampahan ng kasog plunder. Si Atty. Gigi Reyes dating chief of staff  ni Senator Juan Ponce Enrile ay umalis na ng Pilipinas at di pa bumabalik. Si Atty Richard Cambe, COS ni Senator Bong Revilla ay nasa ibang bansa na rin.  Gayundin sina Pauline Labayen, dating appointments secretary, at Liaison secretary Ruby Tuason  ni Sen. Jinggoy Estrada ay hindi na rin nagpapakita ngayon.
Sabi ng abugado ni Enrile, wala raw kinalaman ang kanyang kliyente sa ginagawa ng kanyang chief of staff at hindi raw applicable dito ang isyu ng  “command responsibility”. Sabi naman ni Estrada, hindi raw kasalanang mag-endorse ng NGO at di trabaho ng Senador ang mag-check kung bogus ito o hindi dahil ang listahan ay galing naman sa DBM. Si Revilla  naman ay emosyonal at nakikiusap na huwag siyang husgahan. Marahil, pinag-aaralan pa niya siguro kung paano ipagtatanggol ang sarili.
Pero,sa klase ng ebidensyang inihanda ng DOJ-NBI, madaling mabeberipika  na napunta ang 50% commission ng mga  senador at dating congressman sa kanilang mga chiefs of staff, maging ito man ay cash o deposito sa mga account numbers nila. Kung sinasabi nina Enrile. Jinggoy at Bong na sila’y inosente at walang napuntang pera sa kanila, nakikita na ba natin ang defense strategy na gawing “fall guys” itong mga tao nila? Ibig sabihin, sa bandang huli aamin sila na kagagawan nila ang lahat ng ito at hindi alam ni senator?
Pero, kung talagang hindi alam nina Enrile, Jinggoy at Bong ang ginagawa ng kanilang Chiefs of staff, bakit hindi sila nagagalit hanggang ngayon na may kaso na silang plunder?  Bakit hindi idemanda ni Enrile si Atty. Gigi? Bakit hindi idemanda ni Jinggoy si Pauline Labayen at Ruby Tuason, at ni Bong si Atty Cambe?
Too late the hero na, hindi ba. Pero kung tatanungin mo ang iba pang mambabatas tulad ni senador Miriam Defensor Santiago, ang Chief of Staff ay alter ego ng Senador, ibig sabihin, ito ang kanyang ‘Little Senator’ na hindi makakagalaw ng walang bendisyon ng kanyang amo.
Aba e, lampas po ng P50 milyon ang nakurakot dito, kaya nga plunder, tapos sasabihin sa atin na hindi alam ni Mr. Senator.
Sino sa tingin niyo ang magsisinungaling dito? MR. SENATORS o CHIEFS OF STAFF?
Sa tingin ko PAREHO silang sinungaling. Kaya naman, matapos ang mahabang paglilitis , dapat lang na ikulong silang lahat at panagutin sa kinulimbat na perang mula sa pawis at dugo ng sambayanan.
Para sa komento o tanong i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending