Single mom pinatay sa pamamagitan ng kable ng charger; krimen nasaksihan ng anak
PATAY na nang matagpuan ng otoridad ang isang single mom at negosyante sa loob ng kanilang tahanan sa San Miguel, Bulacan nitong nagdaang Linggo.
May kable ng charger na nakapulupot sa leeg ng biktima at ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na rumesponde sa pinangyarihan ng krimen, posibleng ginahasa pa ng suspek ang ginang.
Sa report ng “Saksi” ng GMA 7 kagabi, kinilala ang pinaslang na biktima na si Regine Sebastian, 30-anyos.
Bukod sa nakapulupot na kable ng charger sa leeg nito, may mga pasa rin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima. Suot pa rin nito ang kanyang damit pero wala na umanong underwear.
Ayon sa mga imbestigador, nasaksihan mismo ng 10-anyos na anak ng biktima ang naganap na krimen.
Base pa sa ulat, huling nakitang buhay ang negosyante at single mother sa selebrasyon ng kaarawan ng kanyang anak nitong Sabado.
At nito ngang Linggo nang hapon, natagpuan siyang patay sa loob ng kanilang kwarto.
“Nakita na lang po niya na sinasakal ng charger ‘yung mommy niya, na papatayin niya. Kaya sabi niya ‘Yung mommy ko takot na takot. Kailangan niya ng help,'” ang pahayag ng kapatid ng biktima na si Jhen Sebastian.
“Sa takot po ng bata, nagtulug-tulugan na lang po siya. Akala nga niya naglalaro lang daw, siyempre bata pa po ‘yun, naglalaro lang daw ‘yung mommy niya tsaka si Kerwin, Tito Pipoy ang tawag po niya,” salaysay pa ni Jhen.
Sa follow-up report ng pulisya, kinilala ang suspek na si Kerwin Cabigting, alyas “Pipoy,” na dating boyfriend ng biktima.
Base sa CCTV, pumasok ang suspek sa gate ng bahay ng biktima at makalipas ang ilang sandali nakita rin ang kanyang paglabas.
Mabilis na naaresto ng mga pulis ang suspek ngunit mariin niyang itinanggi na siya ang pumatay sa biktima.
Ayon may Police Colonel Jordan Santiago, hepe ng San Miguel Police, “Nakuha namin ‘yung cellphone ng suspek at doon po namin nakita yung timeline ng mga chat nila, pictures. Kaya sa circumstances po ay siya lang po ‘yung talagang suspek.”
Sa ngayon, hinihintay pa ng pamilya ng biktima ang resulta ng isinagawang medical test para malaman kung hinalay din ng killer si Sebastian.
Mahaharap sa kasong murder ang suspek at posible rin siyang sampahan ng kasong pagnanakaw kung mapatutunayang siya rin ang tumangay ng alahas ng biktima na nagkakahalaga ng P350,000.
https://bandera.inquirer.net/307478/lalaki-kinagat-sa-tenga-matapos-makipag-inuman-mga-suspek-arestado
https://bandera.inquirer.net/288139/alice-nadukutan-habang-nagsa-shopping-sa-mall-mag-ingat-sa-dumidikit-dikit-sa-inyo-sa-public
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.