Navotas Congressional aspirant Tatay Gardy ibinunyag ang planong ‘pagsira’ sa kanya
NAVOTAS City – Ibinunyag ng pangunahing tumatakbong kongresista ng partidong Aksyon Demokratiko sa lungsod ng Navotas na si Lutgardo “Tatay Gardy” Cruz sa mga taga-Navotas at sa media ang isang pangmalawakang plano upang siraan siya sa darating na eleksyon sa Mayo 9.
Si Tatay Gardy na nagsilbing konsehal at bilang bise alkalde ng naturang lungsod ay nagsiwalat ng mga detalye ng isang plano na naglalaman ng iba’t-ibang nakakapangambang mga aktibidad na dinisenyo upang sirain ang kanyang kandidatura at isaad sa media at sa social media ang kaniyang napipintong pagkatalo.
Ang naturang plano ayon kay Cruz ay nagsimula sa paglabas ng diumano’y survey na gawa ng isang di-kilalang kumpanyang RP Mission na nagpapakita na si Cruz ay mayroon lamang anim na porsyento laban sa 92 na porsyento ng kaniyang kalaban. Ang naturang resulta ng survey ay inilabas na ng kaniyang kalaban sa social media.
Isinaad din ni Tatay Gardy na magkakaroon ng pekeng raid kasama ang mga miyembro ng media sa isang di pa natutukoy na bahay kung saan may mahahanap na tinta ng COMELEC at mga markadong balota nakapangalan sa kaniya.
Ibinunyag pa niya na ang kanyang kalaban ay magsasagawa rin ng pekeng pagbili ng mga boto sa iba’t-ibang tahanan na palalabasin na si Cruz ang may kagagawan. Magsasama pa diumano ng isang sample ballot na nakapangalan sa kaniya at lahat ng ito’y titiyaking makukunan ng bidyo.
Ito ay itinakdang ilabas at ikalat sa media at sa social media upang siya ay ma frame-up at mapasama sa mata ng publiko at ng COMELEC.
Idinagdag pa ni Tatay Gardy na kasama rin sa “mind-setting” plano ng kaniyang katunggali na tinawag niyang “master Showman” ang pagpapalabas ng mga ulat sa mass media na siya ay na diskwalipika.
Nanawagan si Gardy Cruz sa mga mamamayan ng Navotas na manatiling mapagmatyag at magkaroon ng kamalayan sa mga pakana laban sa kanya na binansagan niyang “Great Navotas Hoax”.
Other Stories:
Umano’y korupsyon sa DSWD, DOE ibinunyag ni Pacquiao
Korina sa tanong kung tatakbo uli sa 2022 si Mar: Parang wala na talaga siyang plano…
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.