Eleazar tiniyak na isusulong ang sapat na pondo para sa North-South commuter railway
TINIYAK ni dating PNP chief at senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar na kanyang isusulong ang pagkakumpleto ng North-South Commuter Railway (NSCR) kapag pinalad na manalo sa parating na halalan.
Ayon kay Eleazar, ang pagtatayo sa NSCR ang magtutulak sa pag-unlad ng kanayunan sa Central Luzon, Calabarzon, at mga kanugnog na lugar.
“Panahon na para tutukan itong North-South Commuter Railway (NSCR) project para mas mapabilis ang pag-unlad sa ating kanayunan. Kung papalarin na ako ay manalo sa darating na halalan, sisiguruhin ko na ito ay mabibigyan ng sapat na pondo sa Senado para makumpleto na at mapakinabangan ng ating mga kababayan,” aniya.
“Ang kailangan natin sa Senado ay isang tao na magbubusisi ng pondo at magsisisguro na ang proyektong ito ay maayos ang implementasyon at walang pondong masasayang sa korapsyon o katiwalian,” sabi pa ni Eleazar.
Ang NSCR ay isang sistema ng mga riles na babagtas sa 147-kilometro rutang tatagos sa 28 lungsod at bayan sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
Ito ang itinuturing na pinakamalaking proyektong pang-impratsruktura ng kasalukuyang administrasyon matapos paglaanan ng P873.7 billion na budget ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board.
Inaasahang mapabibilis ng NSCR ang biyahe mula sa Clark International Airport ng Mabalacat, Pampanga patungong Calamba, Laguna.
Kasalukuyang inaabot nang mahigit 4 oras ang naturang biyahe, pero layon ng rail system na mapaigsi ito sa 1 oras at 30 minutos, at makapagsilbi ng mahigit 1 milyon pasahero kada araw.
Sakop nito ang pagtatayo ng PNR Clark Phase 1 mula Tutuban, Manila patungong Malolos, Bulacan; at PNR Clark Phase 2 na mula Malolos patungong Clark. Kasalukuyang patuloy ang pagtatayo sa dalawa, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Napag-alaman din sa DOTr na nakumpleto na ang structural works para sa ruta ng PNR mula Maynila patungong Calamba.
“Kung makukumpleto ang proyektong ito, ang mga produkto ng ating mga magsasaka at mangingisda ay mas mapapalapit sa mga pamilihan. Hindi na ito kailangan pang itapon dahil hindi na sila mangangamba na ang kanilang mga produkto ay mabubulok dahil walang bumibili,” ani Eleazar.
“Matutulungan din nitong mailayo ang mga paaralan at pabrika sa mga lugar na kadalasang ang problema ay matinding trapiko. Malaking ginhawa ito para sa ating mga estudyante at trabahador na mananakay,” aniya pa.
Other Stories:
Pagsusuot ng body cameras ng mga pulis pinatitiyak ni Poe kay bagong PNP chief Eleazar
P160B na badyet laban sa Covid-19, iniipit nga ba ni Avisado?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.