Sean de Guzman perfect sa ‘Fall Guy’, Joel Lamangan naniguro: Magkakaroon siya ng award sa pelikulang ito
SINIGURO ng veteran at premyadong director na si Joel Lamangan na mananalo ng best actor si Sean de Guzman sa bago nilang pagsasamahang pelikula, ang “Fall Guy.”
Kahapon, sa ipinatawag na presscon ng 3:16 Media Network ni Len Carillo at ng Mentorque Productions ni John Bryan Diamante, pagkatapos ng kanilang story conference para sa “Fall Guy”, diretsahang sinabi ni Direk Joel na kikilalanin na ngayong tunay na aktor si Sean.
Ayon sa award-winning director, perfect kay Sean ang kuwento at tema ng “Fall Guy” na isang social crime drama. Dito, talagang pipigain ang kakayahan ng binata sa pag-arte.
Pahayag ni Direk Joel, “Magkakaroon siya ng award sa pelikulang ito. Sa aking pelikula siya unang nakita, sa Anak ng Macho Dancer, tapos sa Lockdown, at yung mga kasunod pa niyang pelikula na kasama ako.
View this post on Instagram
“Bakit ko siya pinili? Dahil nakitaan ko siya ng husay sa pag-arte. Nakitaan ko siya ng intrinsic quality ng isang mahusay na aktor na puwede pang ma-develop bilang pangunahing aktor ng ating industriya. Kaya noong ibinigay sa kanya ang proyekto na ito, hindi na ako nagdalawang-isip,” pagmamalaki ni Direk Joel kay Sean.
Ito naman ang naging reaksyon ni Sean sa mga sinabi ni Direk patungkol sa kanya, “Nasabi ko po talaga kay Direk na kinakabahan ako sa peilkulang ito dahil sobrang bigat po nito. Sobrang layo ng ibang role ko rito sa mga ginawa kong project.”
Sa nasabing pelikula, gagampanan ni Sean ang karakter ng isang social media influencer na magiging biktima ng kawalang hustisya sa bansa.
Pangako pa ng binata, gagawin niya ang lahat para patunayang karapat-dapat nga siyang bigyan ng acting award. Sana raw ay hindi siya mapahiya kay Direk Joel at sa buong produksyon ng “Fall Guy.”
Nauna rito, inamin din ni Sean na may pagkakataon na natatalakan din siya ni Direk Joel, “Nasigawan na ako at napagalitan ni Direk dahil may mga bagay na hindi ko pa alam. Pero hindi ka naman niya pagagalitan or pagsasabihan ng walang dahilan.
“Kumbaga, du’n sa pagkakamali mong yun, du’n ka dapat matututo. Wala na kasi akong matandaan na sinabi ni direk or napagalitan ako, pero ang lagi niyang sinasabi sa akin ay dapat maging mahusay akong artist kung gusto kong tumagal sa industriya,” dagdag ng binata.
Samantala, nagpaliwanag din si Direk Joel tungkol sa lagi niyang sinasabi na mas gusto niyang katrabaho ang mga baguhang artista ngayon.
“Mas gusto ko talaga yung mga bago dahil mas madali silang turuan. Kasi yung mga dating artista naka pre-set na yung utak nila kung paano ba ang mahusay na pag-arte.
“Eh, marami silang pinaggalingan na mali. Kaya maraming mali na hindi na maiaalis. At least yung mga bago parang blankong pisara na susulatan mo kung anong image ang puwede mong ibigay sa kanila.
“Matatandaan nila sa buong buhay nila yun. Gusto ko pa rin ng mga senior. Yung mga bago makakapag-aral sila sa mga ginagawa ng senior.
“At yung mga senior naman, malalaman nila yung mga bagong ginagawa ng mga bata. At makakapulot sila ng mga aral sa bawa’t isa,” aniya pa.
https://bandera.inquirer.net/310967/joel-lamangan-tumaya-kay-sean-de-guzman-hindi-ko-kailanman-pinagdudahan-ang-kakayahan-niya
https://bandera.inquirer.net/309921/joel-lamangan-nagpakatotoo-maraming-direktor-na-bago-pa-lang-ay-mayayabang-na-huwag-ganyan
https://bandera.inquirer.net/311066/nora-vilma-sharon-juday-nakatikim-din-ng-talak-kay-direk-joel-lamangan-anyare
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.