FILIPINO Workers’ Resource Center ang tawag sa pangalawang tahanan na siyang tinatakbuhan ng mga nabibigong mga OFW sa kanilang pangingibang-bayan.
Kilala rin ito bilang Bahay Kalinga lalo na sa bahagi ng Gitnang Silangan. May mga kababayan tayong dumaranas ng matitinding pang-aabuso at pagmamaltrato mula sa kanilang mga employer, lalo na sa ating mga kababaihan, kung kaya’t napipilitan na lamang silang tumakas o mag-run-away.
Ayon kay Administrator Carmelita “May” Dimzon ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), nilayon talaga ng pamahalaan na paglaanan ng espisipikong lugar na maaaring takbuhan ng ating mga kababaihang OFW.
Bakit nga ba winner at di loser na maituturing ang ating mga OFWs kapag napupunta sa tahanang ito?
Kahit pa kasi bigo sa pag-aabroad, inapi ng mga amo, hindi pinakain at kung anu-ano pang pang-aabuso, kapag napunta naman sa FWRC ang ating mga OFW, habang isinasaayos ang mga kinakailangang dokumento para sa kanilang pag-papauwi, inihahanda naman sila sa kanilang muling pagbabalik sa bansa. Tinuturuan na sila ng mga pangkabuhayan, sinasanay upang magdagdag ng kaalaman, upang kahit nasa abroad pa ay nakakapag-isip at nakakapagdesisyon na sila kung anong puwedeng pagkakitaan pagbalik ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito, maaaring hindi na nila ikonsidera pa ang muling paga-abroad.
Tama lamang na ituring na winner ang mga OFW pagg nanggaling sa mga kanlungang tulad ng FWRC dahil sa maraming mga kaalamang natutunan nila.
Hindi na sila talunan dahil may bagong pag-asang naghihintay sa kanila.
May nakaalitan sa barko ang seafarer na si Salvador Wendica, ngunit siya lamang ang pinauwi ng kanilang kapitan dahil paborito at malakas sa kanya ang taong nakatunggali ni Salvador.
Nagsampa ng illegal termination si Salvador ngunit hindi ibinabalik ang kanyang mga orihinal na dokumento tulad ng seaman’s book, pasaporte at ilang kopya ng kaniyang certification.
Matapos idulog ng Bantay OCW kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang reklamong ito ay agad nagpalabas ng resolusyon si Cacdac at ipinababalik kay Salvador ang kanyang mga dokumento.
Nagbalik sa Radyo Inquirer si Salvador at laking pasasalamat niya dahil nakuha na niya noong Setyembre 18, 2013 ang lahat ng kaniyang mga dokumento. Ngayon naman, nais niyang hilingin kay maritime lawyer Dennis Gorecho kung may pag-asa bang makuha niya ang halagang dapat ay kinita niya sa buong panahong pinababa siya ng barko gayong may kontrata pa sila at naipanalo naman niya ang illegal termination case laban sa manning agency.
Lumapit sa Bantay OCW si Yolly Abaco para sa kapatid niyang si Sonia dahil sa hindi nga maayos na pagtrato ng kanyang employer sa Qatar. Gayong nais ng Damdam agency na patakasin na lamang si Sonia at nangako naman silang sasagutin ang kaniyang plane ticket pauwi ng Pilipinas.
Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa embahada ng Pilipinas sa Qatar at tinawagan ang employer ni Sonia. Dinala naman ng employer ang ating OFW sa himpilan ng pulisya at sila na ang nag-turn over kay Sonia sa deportation center doon.
Ayon sa Philippine embassy sa Qatar, nagbigay ng tiket pauwi ang employer ni Sonia at nakauwi na ito noong Setyembre 18, 2013.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am.
Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.