Malakas kay kapitan | Bandera

Malakas kay kapitan

Susan K - September 18, 2013 - 03:00 AM

ILLEGAL termination. Ito ang reklamo ng seafarer na si Salvador Wendica. May nakaalitan ‘anya siya sa barko at laking gulat na lamang niya nang sinabihan na lamang siya ng kanilang kapitan na uuwi na siya ng Pilipinas.

Malakas kasi kay kapitan ang taong nakaaway niya kaya siya ang pinauwi at hindi ang dalawa. Nagsampa ng reklamo si Salvador ngunit hindi ibinabalik ang kaniyang mga orihinal na dokumento tulad ng seaman’s book, pasaporte at ilang kopya ng kaniyang certification.

Idinulog ng Bantay OCW kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang reklamong ito at mabilis namang kumilos ang kanilang tanggapan. May resolusyon na ‘anya ang kaso at ipinababalik na kay Salvador ang kaniyang mga dokumento.

Tumakas na Lang!

Ito ang ipinayo ng Damdam Agency, ang ahensiyang nag-paalis kay Sonia Abaco, minamaltratong OFW sa Qatar.

Nagsumbong sa Bantay OCW si Yolly Abaco, kapatid ni Sonia dahil sa hindi nga maayos na pagtrato ng kaniyang employer.

Solusyon ng agency nito na patakasin na lamang si Sonia at na-ngako naman silang sasagutin ang kaniyang plane ticket pauwi ng Pilipinas. Ipoproseso naman ng kanilang counter part na ahensiyang Golden Man Agency sa Qatar ang mga dokumento ni Sonia.

Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa embahada ng Pilipinas sa Qatar at tinawagan ang naturang employer ni Sonia. Dinala naman ng employer ang ating OFW sa himpilan ng pulisya at sila na ang nag-turn over kay Sonia sa deportation center doon.

Ayon sa Philippine embassy sa Qatar, nagbigay ng tiket pauwi ang employer ni Sonia at isinasaayos na lamang ang schedule ng kaniyang flight pabalik ng Pillipinas.

Puwede pang mag-OFW kahit 65 na?

Matagal nag-abroad si Maximiano Mina ng Pampanga. Ngunit sa edad na 65 nais pa rin niyang mangibang-bansa. Hindi siya sanay na walang trabaho.

Sinubukan niyang magtungo sa Philippine Transmarine Carriers kung may tsansa siyang makasakay ng barko. Inirekomenda naman siya ng PTC sa Lifelinks ngunit kasalukuyang walang job order ito patungong Canada. Ngunit ayon kay Mina may posibilidad na makaalis pa rin siya at nangako namang aabisuhan siya nito sa lalong madaling panahon.

Walang palya ang pagpapadala ng text message ni MM ng Pangasinan upang alamin kung nakausap na ba ng Bantay OCW ang kaniyang mister sa Saudi. Palibhasa’y hindi sumasagot sa mga tawag namin kung kaya’t natagalan na mabalitaan namin si misis kung ano nga ba ang sagot ng kaniyang asawa.

Nang muli naming subukan na tawagan ang OFW sa Saudi, sumagot na rin ito. Tanong namin kung bakit hindi na siya nagpapadala ng suporta sa pamilya. Galit na sumagot si mister at si-nabing hinding-hindi na siya magpapadala ng pera kay misis dahil may boyfriend anya ito at ginagastos lamang sa ibang lalaki ang pinaghihirapan niya sa abroad.

Mariin namang itinanggi ni MM ang bintang ng asawa. Hindi anya totoo iyon. Ngunit matigas ang OFW. Sinabi niyang dalhin na lamang ni misis sa kaniyang mga magulang ang kanilang mga anak at doon siya magpapadala ng pera.

Hindi naman mapupuwersa ng Bantay OCW ang ating OFW. Wala ring police power ang ating embahada sa abroad upang obligahin ito. Tanging support case o abandonment ang puwedeng isampa laban sa kaniya, pag nakabalik siya sa bansa. Walang jurisdiction ang batas ng Pilipinas habang nasa abroad pa ang isang Pilipino.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending