KAPAG naubos at napatay na ng militar ang higit 200 fighters ni Misuari sa Zamboanga, tapos na kaya ang problemang ito? May kapayapaan na kaya ? O mauulit lang ito sa Jolo, Pagadian, Cotabato, Marawi at sa iba pang malalaking lungsod sa Mindanao at maging dito sa Metro Manila?
Kung susuriin, ang puno’t dulo ng karahasang ito ay ang pagsulat ng Aquino administration sa Organization of Islamic Conference (OIC) at sa MNLF noong Marso na “terminated” na ang 1996 peace agreement ng Pilipinas at papalitan na ang ARMM ng bagong Bangsa Moro Republik sa ilalim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nais ng gobyerno na kumpletuhin na ang “transition review” para maisulong nito ang bagong entity sa Mindanao kung saan kasama pa rin daw at di iiwanan ang MNLF.
Pero, kay Misuari, hindi dapat tapusin o kumpletuhin ang review na ito. Isa pang nakadagdag sa init ng ulo ni Misuari ay ang pagtawag mismo ni Pnoy sa Autonomous region for Muslim Mindanao (ARMM) na umano’y isang “FAILED EXPERIMENT”. Bukod dito, inaatado ng gobyerno ang pagkakaisa ng MNLF council of 15 leaders sa pamamagitan ng “divide and rule approach” kung saan paksyon na lamang daw at hindi main force ang grupo ng founder na si Misuari.
Ngayong sumiklab na ang gulo sa Zamboanga, pinabulaanan ni OPAPP sec. Teresita Deles, ang napaulat na “termination” at hindi raw totoong binabalewala na ng gobyerno ang 1996 peace agreement. Idaraos pa nga ang face to face meeting nina Misuari at iba pa sa OIC-MNLF-GPH transition review meeting sa Yogyakarta, Indonesia ngayong Lunes Sept.16 para pag-usapan ang mga isyu ng MNLF.
Pero, nito ngang Biyernes, sa ikalimang araw ng gulo sa Zamboanga, pumayag ang OIC sa request ni Misuari na ipagpaliban ang pulong. Ito’y ipinadala kay Sec Deles sa pamamagitan ng isang note verbale mula sa Indonesian Embassy at sa OIC Secretary General. Hiniling din ng MNLF na ituloy na lamang ito sa 1st week ng October.
vvv
Ito namang si VP Jojo Binay, umeksena pa. Meron daw ceasefire sina Misuari at Defense Sec. Voltaire Gazmin epektibo ng 12midnight noong Sabado. Pero makalipas ang anim na oras, itinanggi siya ni Gazmin. Sabi naman ni Binay , Makikipagusap siya kay Gazmin tungkol sa terms ng Ceasefire. At si Pnoy ,na namalagi doon ng dalawang araw, ay nagpahayag na tatapusin ng gobyero ang problema ng Zamboanga nang mabilisan lalot nananalo na ang militar.
Ang linya ng gobyerno, ay ipagtanggol ang kaligtasan ng mga sibilyan sa 10 baranggay kahit nagmistulang war zone ang Zamboanga sa umano’y internal conflict na nangyayari.
Kung ako ang tatanungin, nagtatagumpay nga si Pnoy at military sa nasusukol at mapapatay nilang MNLF fighters sa Zamboanga. Pero, ito’y matatawag na “pyrrhic victory ” o madugo at mapinsalang panalo. Sa tingin nila, ito na ang kumpirmasyon na isa nang “spent force” ang maliit na paksyon ni Misuari sa MNLF. At maitutuloy na nila ang peace agreement sa kalaban nitong MILF sa harap ng malakas na suporta ng America at Malaysia.
Sa panig naman ni Misuari, nagtagumpay siyang makumbinsi ang OIC na ipagpaliban ang transition review at maipoprotesta niya ang kagustuhan nina Pnoy at Deles na i-terminate o kumpletuhin ang 1996 peace agreement. At kasabay nito , ang pagkamatay ng mga MNLF fighters niya sa Zamboanga ang naging unang hakbang niya sa dineklara niyang kasarinlan ng Bangsa Moro tulad noong ginawa niya noong 70’s . Bukod dito, sa laboratoryo ng “military warfare” nagtagumpay ang kokonti niyang sundalo na iparalisa ang isang Christian dominated city tulad ng Zamboanga. Hindi malayong maulit ito sa Davao,Cagayan de Oro, Surigao city, Cebu o maging. sa alinmang lungsod sa Metro Manila.
At sa tinatawag na Geopolitcs sa Mindanao, nakasalang ngayon at patuloy na maglalaban ang magkatunggaling Bangsa Moro entity nina PNOY-MILF na suportado ng America at Malaysia at ang Independent Bangsa Moro republic ng MNLF na suportado ng OIC at ng Indonesia. Lahat nagiinteres, America sa Langis ng Liguasan Marsh, Malaysia sa pagbura ng claim sa Sabah at kontra naman dito ang OIC at Indonesia.
Ano ang Ibig sabihin nito sa atin? Marami pang kaguluhan ang mangyayari sa bansa lalot nagsimula pa lang ang digmaan ni Misuari at MNLF sa Mindanao . Ito’y tulad noong Jolo war noong 1970’s na ang kalaban niya ay ang diktador na si dating Pres Ferdinand Marcos at ang martial law nito.
Ngayon, ang nakaupo ay si Pnoy at ang “student council” niyang Gabinete, ayon kay ex-senator Joker Arroyo. At ang malaking tanong: Solusyon ba ang military action? o negotiating table?
May tanong, komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.