Robin sawang-sawa na sa kakaendorso ng politiko kaya tumakbo; nawalan ng trabaho dahil kay Duterte | Bandera

Robin sawang-sawa na sa kakaendorso ng politiko kaya tumakbo; nawalan ng trabaho dahil kay Duterte

Reggee Bonoan - February 03, 2022 - 07:17 AM

Rodrigo Duterte at Robin Padilla

KILALA si Robin Padilla na hindi mapipigil ang bibig kapag may gusto siyang sabihin tungkol sa mga nangyayari sa paligid dahil ang katwiran niya ay isa rin siyang taxpayer kaya may karapatan siyang maglabas ng saloobin.

Ito ang nabanggit niya sa panayam ng entertainment editor na si Tessa Mauricio-Arriola kung bakit kailangan na niyang tumakbo bilang public servant.

“Noon pa talaga maingay na ako.  Hindi ko naman maisara ang bibig ko pag may nakikita akong hindi tama kasi ang laki ng mga binabayaran naming mga artista sa tax!

“Kaya kapag hindi ko gusto ang mga nangyayari nagsasalita talaga ako. Pero kasi kapag pinakikinggan ako tulad ng mga mahal nating naging pangulo hindi lang naman si Mayor Rodrigo Roa Duterte pati rin naman sila presidente GMA (Gloria Macapagal Arroyo) noon, presidente Fidel Ramos, mga patungkol ‘yun sa pagtulong sa kapwa.

“Kung paano tayo makakatulong sa mga kababayan natin pero dumating kasi sa oras na hindi naman puwedeng puro awa na lang ang ibigay natin sa mga kababayan natin. Ang gusto natin magkaroon ng tunay na pagbabago,” simulang pagbabahagi ni Robin sa nasabing panayam.

Dagdag pa ng aktor, “Kaya naman ako pumasok sa politika kasi sawang-sawa na ako sa kakaendorso. Maniniwala ako sa isang kandidato, ieendorso ko magmula national hanggang local pero kapag nakaharap ko na uli ‘yung mga tao hindi pa rin nagbabago ‘yung sitwasyon ng pamumuhay nila.

“Kaya nagdesisyon ako kahit labag na labag sa kalooban ko ‘to para matapos na rin at magkaalam-alam na kasi naaapektuhan na rin ‘yung career ko (showbiz) kasi mula nu’ng nag-full blast ako ng suporta kay PRRD nawalan ako ng maraming trabaho kasi maraming sinagasaan si mayor na mga oligarko na dati kong mga boss.

“E, siyempre nawalan ako ng trabaho, gayun din sa pamilya ko kasi kinukuha nito ang oras ko.  Hindi pa ako politiko nasa field na ako. Kung saan-saan na ako hindi na ako mahanap ng asawa (Mariel Rodriguez-Padilla) minsan.

“E, siguro once and for all para matigil na rin ako tulad ng speech ko sa Comelec na pag nanalo ako, ito ang destiny ko talaga, pag natalo ako, e, tatahimik na ako talaga hindi n’yo na ako maririnig,” mahabang paliwanag ng aktor.

Inamin din ni Robin na ang asawang si Mariel ang gumagastos sa kanya ngayon sa pagpapagawa ng t-shirts at tarpaulins na ipinamamahagi niya sa paglilibot niya sa kanyang kandidatura bilang senador sa May, 2022 elections.

Sa tanong kung ano ang mahigpit na kalaban o handling ni Robin para manalo, “Si Tito, Vic and Joey ang kalaban po natin diyan. Si Tito, Vic and Joey, ‘yung isang libong piso.  Wala tayong pera, eh. Pag wala tayong pera sa pinili nating (posisyon) delikado ka rito. 

“Kasi labanan ng pera ito lalo na ngayong may pandemic, so labanan ito ng TV ad. Wala ho tayong pambayad sa TV ad kasi brainwashing ‘yan. Alam naman ho nating lahat ‘yan,” ani Robin.

At ang maintrigang tanong kay Robin ay sino sa mga naging presidente ng Pilipinas simula kay Ferdinand Marcos hanggang kay PRRD ang may malaking nagawa para sa bansa.

“Si Andres Bonifacio, balik po tayo sa unang pangulo.  Siya kasi talaga ‘yung unang nagmulat sa ating mga Pilipino para mag aklas.  Para lumaban tayo sa mga dayuhan na umaapi sa atin.

“’Yung rebolusyon na naumpisahan niya ay hindi natapos sapagkat siya ay naging biktima ng politika. Ang rebolusyon ni Andres Bonifacio ay lumaya tayo sa kahirapan.

“Ang tanong ko sa ating lahat ngayon, lumaya na po ba tayo sa kahirapan? Meron po bang nagawa ang sumunod na pangulo na si Emilio Aguinaldo hanggang sa pangulong Rodrigo Roa Duterte?  Nakaahon na po ba tayo sa kahirapan?” makahulugang sabi ni Robin.

https://bandera.inquirer.net/298805/kylie-naiyak-nang-tanungin-ni-robin-so-wala-ba-talagang-pag-asa

https://bandera.inquirer.net/298928/robin-inalala-ang-buhay-preso-sa-vlog-ni-kylie-yun-yung-best-days-namin-ng-mama-mo-yung-nakakulong-ako

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

https://bandera.inquirer.net/288054/payo-ni-robin-kay-kylie-sabi-ko-pag-muslimin-mo-na-lang-si-aljur

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending