Jennylyn, Dennis lumipat muna sa condo: Halos lahat ng tao sa bahay namin ay nag-positive sa COVID
Dennis Trillo at Jennylyn Mercado
MABIGAT man sa kanilang kalooban, kinailangang magsakripisyo at magtiis ang mag-asawang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo para sa kaligtasan ni Alex Jazz.
Ibinalita ng Kapuso couple sa publiko ang pakikipaglaban ng kanilang pamilya kontra COVID-19 sa pamamagitan ng bagong vlog ni Jennylyn sa YouTube.
Ayon sa Kapuso Ultimate Star, two weeks na silang nananatili ni Dennis sa isang condo unit matapos tamaan ng COVID-19 ang mga kasama nila sa bahay.
Kuwento ng misis ni Dennis, ang anak naman niyang si Alex Jazz ay nasa maayos ding kundisyon ngayon ngunit hindi nila ito kasama sa condo.
“Ito na ‘yung aming second week dito kasi halos lahat ng tao sa bahay namin ay nag-positive,” kuwento ng Kapuso actress.
“After New Year, mga January 4, may isang tao na na-expose tapos ‘yun sunud-sunod na ‘yung buong bahay, except kaming dalawa ni Dennis at si Jazz.
“Kaya hindi namin kasama si Jazz ngayon kasi exposed naman siya roon sa yaya niya na positive rin. Sinigurado muna namin, siyempre baka maging carrier si Jazz at mahawa rin ako,” paliwanag ni Jen.
Tripleng pag-iingat daw ang ginagawa ngayon ng aktres dahil anim na buwan siyang buntis sa baby girl nila ni Dennis.
“Six months ko na. Iniwan namin si Jazz sa bahay pero naka-isolate siya. Actually lahat ng tao (sa bahay) naka-isolate,” pagbabahagi pa ni Jennylyn.
View this post on Instagram
Abot-langit naman ang pasasalamat ng celebrity mom dahil sa sobrang pag-aalaga at pag-aasikaso sa kanya ni Dennis mula nang lumipat sila sa condo.
“Si Dennis ang halos lahat gumagawa ng mga bagay rito sa condo. Ayaw niya naman akong pakilusin. Si Dennis ang nagluluto, lahat-lahat, naghuhugas, naglilinis,” chika ng aktres.
Aniya pa, “Maswerte ako na kasama ko siya rito kasi naaalalayan ako nang husto, naaalagaan.”
Sabi pa ng mag-asawa talagang kinakarir pa rin nila ang pagsunod sa lahat ng health protocols. Sinisiguro raw nila na nadi-disinfect ang lahat ng deliveries bago ipasok sa kanilang condo.
“Hindi ko maintindihan minsan kasi si Jen sobrang praning. Kaya siguro hanggang ngayon hindi pa rin kami nagkaka-COVID dahil sa extra awareness na ‘yun,” pahayag pa ni Dennis.
Kung matatandaan, nagpakasal sina Dennis at Jennylyn noong Nov. 15, 2021 sa pamamagitan ng isang civil wedding sa Quezon City. At ngayon pa lang ay marami na ang excited sa paglabas ng unang baby ng Kapuso couple.
https://bandera.inquirer.net/298800/jennylyn-dennis-magkaka-baby-girl-na
https://bandera.inquirer.net/300286/jennylyn-iniwan-agad-ni-dennis-1-araw-pagkatapos-magpakasal-siyempre-nakakalungkot
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.