Bandera Editorial: Maraming trabaho, pero... | Bandera

Bandera Editorial: Maraming trabaho, pero…

- April 28, 2010 - 02:55 PM

Bandera Editorial

BAWAT kandidato pagka-presidente, nangangakong magbibigay ng trabaho.  Kahit si Pangulong Arroyo, na tumagal sa pagkapangulo pagkatapos layasan ng militar si Erap, ay madalas mangako ng isang milyon trabaho.  Pero napako.
Ngayong malapit na tayong bumoto ng susunod na pangulo, at ngayong ipagdiriwang na naman ang Labor Day, basag na naman ang pandinig sa santambak at walang humpay na pangako hinggil sa trabaho.
Totoo na man na napakaraming trabaho, napakaraming bakanteng trabaho, napakaraming kompanya ang nangangailangan ng trabaho.  Ang mga trabaho, ang mga bakanteng trabaho at ang pangangailangan ng maraming kompanya ay linggu-linggo inilalathala ng mga dyaryo.
Sa Department of Labor and Employment, sa Philippine Overseas Employment Administration, sa mga sangay ng Public Employment Service Office na matatagpuan sa munisipyo, City Hall o Kapitolyo, nakatala ang maraming trabaho, bakanteng trabaho at kailangang mga manggagawa’t kawani ng mga kompanya.
Kaya, binobola lang kayo ng mga kandidato na nangangako na naman ng pamimigay ng maraming trabaho.  Gusto na naman kayong pagsamantalahan ng mga politiko dahil maniniwala na naman kayo na may trabaho ngang ibibigay ang politiko na iboboto ninyo.
Ang ginagawa ng mga bolero’y sinungaling na politiko ay paasahan na naman kayo. Hindi nila ipinaliliwanag na ang problema ay hinggil sa kakayahan ng aplikante sa trabaho, ang nalalaman ng aplikante, ang pinag-aralan ng aplikante.
Hindi nila sinasabi sa inyo habang sila’y nagngangangakngak na kailangang meron kayong kakayahan bago mag-apply ng trabaho.  Hindi nila sinasabing kailangan ay meron kang nalalaman o skills at mas lalong hindi nila sinasabi na kailangan ay meron kang pinag-aralan bago ka bigyan ng trabaho.
Hindi ipinaliliwanag ng mga politiko, lalo na ang mga trapo (traditional politician daw pero sa ating wika ay simpleng basahan lang ang mga ito na nakakuha ng puwesto) na hindi nila inihanda ang taumbayan para pagdating ng panahon ay di mahihirapan sa paghahanap ng trabaho ang mga nakararami.
Dahil wala naman talagang ginawa ang mga politiko para tulungan kang maghanda para sa iyong kinabukasan.

Bandera, Philippine News, 042810

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending