John Arcilla walang inayawang trabaho kahit may pandemya: Pero sa akin, health pa rin ang priority
John Arcilla
ISA si John Arcilla sa iilang celebrities na maituturing na tunay na pinagpala dahil sa kabila ng patuloy na banta ng pandemya ay tuluy-tuloy pa rin ang kanyang pagtatrabaho.
Mapa-telebisyon man o pelikula, hindi napapahinga ang award-winning actor. Bukod sa regular pa rin siyang napapanood sa “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN, sunud-sunod din ang ginagawa niyang pelikula.
Ang latest nga ay ang Vivamax original movie na “Reroute” na isang suspense-drama-thriller na mapapanood sa Vivamax simula sa Jan. 21.
Kasama niya sa pelikulang ito sina Sid Lucero, Cindy Miranda at Nathalie Hart sa direksyon ni Lawrence Fajardo. Dito, muling patutunayan ng veteran actor na karapat-dapat siya sa napanalunang Venice Film Festival Best Actor.
Sa pagtanggap ni John ng mga proyekto sa gitna ng pandemya, talagang sinisiguro niyang sumusunod ang buong produksyon sa ipinatutupad na safety and health protocols.
Matindi ang ginagawang pag-iingat ng aktor laban sa COVID-19 dahil sa pagpanaw ng ilang miyembro ng kanyang pamilya at mga kaibigan nang dahil sa virus.
Ayon sa beteranong aktor, hindi siya tumatanggi sa mga proyektong inaalok sa kanya ngunit dapat siguruhin ng production ang kaligtasan at seguridad ng lahat lalo na ngayong bigla na namang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Wala pa naman akong tinanggihan na project, pero mismong ang producers kasi, they can’t really somehow makapag-all out to do films left and right tulad ng dati.
“Especially now, masyadong mabilis yung Omicron sa pag-contaminate sa atin. Ang dami-daming cases. Right now, kung merong mag-iimbita sa akin ng movies, parang ang hirap tanggapin,” paliwanag ni John sa nakaraang virtual mediacon ng “Reroute”.
Naikuwento din niya ang istriktong pagpapatupad ng health protocols sa lock-in taping ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin.
“Isipin mo na lang yung sa Probinsyano, ang hirap pumasok ngayon sa bubble. Ang hirap, ang daming nagpa-positive, ang daming restrictions, at ang daming protocols na kailangan na importante at hindi ko tatanggihan.
“I-embrace ko yung protocols, i-embrace ko yung restrictions, kasi for me, matatapos din naman lahat nang ito.
“Pagbigyan na lang muna natin. In a year or two, sige na lang muna. Kung ano muna yung kaya nating gawin. Pagbigyan muna natin,” pahahag pa ni John.
Dugtong ng Kapamilya actor, “But right now, our health is our priority. Kung magkakasakit din tayo, mauubos din lahat yung savings natin, hindi rin, e.
“Para sa akin, yung health muna ang priority, yung welfare ng lahat ng buong industriya, ng pamilya natin,” paliwanag pa ng premyadong aktor.
https://bandera.inquirer.net/302271/nakita-ko-na-pareho-pala-kami-ni-john-arcilla-cindy-miranda
https://bandera.inquirer.net/286460/john-arcilla-namatayan-ng-10-mahal-sa-buhay-sa-loob-ng-1-taon-ngayong-panahon-ng-pandemya
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.