Dabarkads muling nagpaalala sa publiko para iwas-COVID: OK lang maging praning…hindi pa tapos ang pandemya
Vic Sotto, Jose Manalo at Allan K
MULING nagbigay ng babala ang mga “Eat Bulaga” Dabarkads sa sambayanang Filipino at pinaalalahanan ang lahat na mas maging maingat muli sa paglabas ng bahay at pagpunta sa kung saan-saan.
Ito’y dahil nga sa muling pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa nitong mga nakaraang araw na dulot ng pagkalat ng Omicron variant.
Ayon sa mga host ng “Eat Bulaga”, palaging sundin ang mga ipinatutupad ng health and safety protocols ng pamahalaan para na rin sa kaligtasan ng lahat.
“Magbayanihan tayo sa pagsunod sa mga health protocols,” ang nagkakaisang panawagan ng mga Dabarkads sa publiko sa gitna ng muling pagdami ng mga tinatamaan ng killer virus sa pagpasok ng Bagong Taon.
Ayon kay Bossing Vic Sotto, patuloy na sinusunod ng “Eat Bulaga” ang alternative working arrangements para masigurong walang mahahawahan ng COVID-19.
“Katulad ng sitwasyon natin ngayon (sa Eat Bulaga), less than 30 percent work force na lang yung nagre-report sa studio para kontrolado ang bilang ng mga pumapasok.
“Pero kahit na may antigen o RT-PCR test kami dito sa Eat Bulaga, hindi pa rin maiiwasan na maharap kami sa panibagong pagsubok ng pandemya,” dagdag pang sabi ni Bossing.
Nitong nakalipas na linggo, matapos itaas sa Alert Level 3 ang National Capital Region at iba pang probinsya, ay puro replay na ang ipinalalabas na episode ng Kapuso noontime show.
Kung matatandaan, dalawa sa mga host ng “Eat Bulaga” ang tinamaan din ng nakamamatay na virus — yan ay sina Allan K at Wally Bayola na maituturing na ring COVID survivor.
Ayon kay Wally, talaga raw mas naging praning siya ngayon matapos magpositibo sa COVID-19 kaya sinisiguro niyang sinusunod niya ang lahat ng health protocols kapag lumalabas siya.
“Mas lalo na akong naging praning ngayon. Mas okay na ang praning dati kasi pa-relax relax lang, hindi ako nagma-mask, mali pala ‘yun,” pahayag ni Wally.
Paalala naman ni Allan sa lahat ng mga nagka-COVID-19 at gumaling na, huwag magpakakampante at napatunayan nang kahit bakunado na at may booster pa ay nahahawa pa rin ng virus.
“Hindi porket nag-positive ka na noon at naka-recover ay safe ka na. Puwede ka pa ring mag-positive ulit,” sabi ng komedyante at TV host.
Sabi naman ni Jose Manalo, kailangang maging responsable ang bawat Filipino ngayong nakaaalarma muli ang bilang ng mga nahahawa sa virus.
“Kailangan kapag may naramdaman na kayo, sige na, mag-quarantine na kayo, magpa-swab na kayo, para malaman agad natin ‘yung resulta at makaiwas tayo sa mga tao na puwede nating mahawa,” ani Jose.
Hirit naman ni Bossing Vic sa lahat ng Dabarkads, “Sana ay magsilbi itong paalala at babala na hindi pa tapos ang pandemya.”
View this post on Instagram
https://bandera.inquirer.net/289698/bossing-kay-tito-sen-saan-ka-man-dalhin-ng-iyong-kapalaran-nasa-likod-mo-ang-buong-eat-bulaga
https://bandera.inquirer.net/295057/maja-naiyak-sa-pa-birthday-surprise-ng-eat-bulaga-ang-sarap-maging-dabarkads
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.