Andrea nagpa-therapy agad kontra anxiety: Pero hindi naman talaga ako kinain ng kadiliman
Andrea Brillantes at Seth Fedelin
MAS alam na ngayon ng Kapamilya loveteam na sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin kung paano haharapin at lalabanan ang mga pagsubok na dumarating sa kanilang career at personal na buhay.
Hindi rin nakaligtas sa iba’t ibang challenges ang tambalang SethDrea nitong nagdaang taon lalo pa’t patuloy pa rin ang banta ng pandemya sa bansa.
Napakalaki raw talaga ng naging epekto sa kanila ng COVID-19 pandemic, kabilang na nga riyan ang kanilang mental health.
“Mentally, na-challenge talaga ako. Very mentally challenging talaga ‘tong pandemic lalo na kasi ako naman po before, talagang dati pa akong may anxiety.
“Naalis ko na ‘yung insomnia ko pero bumalik po siya. Tapos parang lahat ng naayos ko, bumalik. Nag-relapse ako because of the pandemic,” pahayag ni Andrea sa isang entertainment podcast.
Aniya pa, “Pero ngayon dahil nga second time around, mas kaya ko na siyang i-handle at familiar na ako sa feeling.
“Tumawag na agad ako ng therapist kasi ayaw ko na ulit pagdaanan. Mas aware na ako ngayon, so hindi naman talaga ako nakain ng kadiliman,” pahayag pa ng dalaga.
At sa kabila nga ng mga kanegahang nangyayari sa kapaligiran, kailangan daw na mas maging positibo ang pananaw ng bawat isa sa buhay, lalo na sa mga kabataang tulad nila.
Ayon kay Seth, “Sa lahat ng kabataan diyan, lalo na mga ka-generation namin, mahirap po talaga ‘yung set-up na ganito, na puro tayo online at iba po ang pakiramdam nu’n.
“At ‘yung mga nagsisimula pa lang ho, ‘yung bago pa lang ‘yung pandemic, lahat tayo nag-adjust,” sabi pa ng binata.
“Gusto ko lang ho sabihin sa inyo, ipaalala, na sa kabila ng mga nangyayari sa atin eh, may nangyayari pa rin, meron pa rin tayong ginagawa.
“Nakakapag-aral pa po tayo. Kahit online, nandyan pa rin ‘yung school. Kami, kahit ganu’ng nahihirapan kami na kami ang nag-aasikaso sa sarili namin, kailangan ho, eh.
“Dahil hindi naman natin ‘to ginagawa dahil pandemic lang, ginagawa natin ‘to para matuto tayo, matuto tayong tumayo sa sarili nating mga paa. Huwag natin ‘tong titingnan na nakaka-bad trip.
“Oo, nakakaiinis at the moment pero mare-realize din natin na, ‘Uy, nakakapag-aral pa rin ako kahit pandemic.’ ‘Kahit pandemic makaka-graduate pa rin ako.’ Magpasalamat pa rin tayo kasi kahit paano meron pa rin tayong natatanggap na blessing,” lahad ng binata.
View this post on Instagram
Paalala naman ni Andrea, “Isipin na lang po natin na lahat ng nangyayari sa atin ay may rason.
“Hindi man po natin maintindihan ngayon, pero I’m sure darating ‘yung araw na makikita na lang natin, na itong pandemic na ‘to mas pinalakas ako, mas naging matalino ako, mas naging aware ako, mas naging selfless ako. Alam ko dadating ang araw na ganu’n na natin titingnan itong pandemic,” sey pa ni Andrea sa nasabing panayam.
Ito naman ang message ng aktres para sa mga dumaranas din ng depresyon, anxiety at stress, anxiety, depression nang dahil sa pandemya.
“Sa mga kapwa Gen Z ko na mentally nahihirapan na, lahat naman tayo pinagdadaanan ‘yan so it’s normal, it’s okay to reach out for help.
“And it’s okay to not be okay lalo na ngayon na grabe rin naman talaga ‘yung pinagdadaanan natin. And ‘yung nararamdaman niyo is valid,” paalala pa ng dalaga.
https://bandera.inquirer.net/289906/andrea-ilang-beses-nang-nagbalak-mag-quit-sa-showbiz-ang-hirap-hirap-lalo-na-kung-breadwinner-ka
https://bandera.inquirer.net/299096/andrea-hindi-naghahanap-ng-dyowa-masaya-na-po-ako-sa-relasyon-namin-ni-seth-ngayon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.