Noy nagbanta: MNLF pupulbusin
SUMUGOD kahapon si Pangulong Aquino sa Zamboanga City upang tingnan ang kondisyon ng mga residente na napagitna sa bakbakan sa pagitan ng Moro National Liberation Front at mga pwersa ng pamahalaan.
Kinumpirma lamang ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office head Secretary Ramon “Ricky” Carandang ang paglipad ni Aquino sa Zamboanga matapos itong makaalis alas-7:30 ng umaga.
“The decision to leave was made last night upon discussion with people on the ground,” sabi ni Carandang. Ganap na alas-10 nang makarating si Aquino sa Zamboanga City.
Sa isang ambush interview sa Zamboanga, sinabi ni Aquino na ipinagpaliban na ang nakatakdang pagpupulong ng government peace panel at ng MNLF sa Jakarta, Indonesia sa susunod na linggo dahil hindi makakadalo si Misuari.
Nagbanta rin ang pangulo sa MNLF na nakahandang gamitin ng estado ang lakas nito kung sakaling madagdagan ang panganib sa mga inosenteng mamamayan.-
“Hindi tumigil ang gobyernong makipag-usap sa kanya at sa MNLF at palagay ko naikalat na sa inyo kahapon iyong terms of ’96 Peace Agreement na na-fulfill na ng gobyerno,” sabi ni Aquino.
Kasabay nito, sinabi niya na ang operasyon ng militar ay isinasagawa noong unang araw pa lamang ng krisis para maiwasan na mas maraming inosenteng mamamayan ang madamay sa ginagawang aksyon ng MNLF.
“Kino-contain natin dito sa mga barangay na tinutukoy–apat na barangay. Hindi sila pinayagan na makapagkalat pa ng lagim sa ibang lugar. So matagal na iyong military operations.
Ano bang prime objective? Siguraduhin na walang unnecessary loss of blood, ano. Iyong preservation of life is the paramount mission,” dagdag ni Aquino.
Aniya pa, kailangang ng hinahon para hindi dumami ang mawalan ng buhay at masugatan sa nangyayaring krisis sa Zamboanga.
Kasabay nito, sinagot ni Aquino ang pahayag ni Misuari na wala siyang kinalaman sa ginawang pag-atake ng grupo ni commnder Habier Malik.
” Dinisown (disown) niya… May narinig ba tayong nagsabing nakiusap siya kay Malik na tumigil na? Ako rin wala ako narinig e. Baka dapat pag-isipan natin ‘yon,” sabi pa ni Aquino.
Dagdag-puwersa
Samantala, nagpadala ang Central Luzon regional police ng tauhan sa Zamboanga City kahapon, sa gitna ng patuloy na sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF) doon.
Umalis ang 120 miyembro ng 3rd Regional Public Safety Battalion (3rd RPSB) para magsilbing “augmentation force” sa mga pulis na nakabase sa Zamboanga City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.