Enchong tinuluyan sa kasong cyber libel; Agot, Pokwang, Ogie wala raw kasalanan
Claudine Bautista-Lim at Enchong Dee
TINULUYAN ng prosekusyon ang pagsasakdal sa Kapamilya actor na si Enchong Dee para sa kasong cyber-libel na isinampa ng isang kongresista.
Inaprubahan ng mga prosecutor sa Davao Occidental ang pagsasampa ng cyber-libel case ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) Representative Claudine Diana Bautista-Lim.
Ito’y nag-ugat sa ipinost ni Enchong (Ernest Lorenzo Velasquez Dee sa tunay na buhay) sa social media laban sa magarbo at bonggang kasal ng kongresista na ginanap noong July 26 sa Balesin Island Resort sa Polilio, Quezon.
Base sa nine-page resolution dated Nov. 16, ipinag-utos nina Davao Occidental prosecutors Socrates Gersava, Eleanor dela Pena at Marie Kristine Reginio ang pagsasampa ng kaso “for violation of the Cybercrime Prevention Act of 2012.”
Tanging si Enchong lamang ang pinasampahan ng kaso sa mga indibidwal na kinasuhan ni Cong. Claudine kabilang na ang singer-actress na si Agot Isidro (Maria Margarita Amada Fteha Isidro), at ang mga komedyanteng sina Pokwang (Marietta Subong-O’brian) at Ogie Diaz (Roger Diaz Pandaan).
Ayon sa lumabas na resolusyon, hindi maituturing na paninirang-puri ang mga ipinost ng ibang respondents dahil ipinahahayag lamang nila ang kanilang saloobin.
“Considering that these tweets are mere expressions of disapproval (or disgust, if you may) at varying degrees on the action, this Office could not attribute malice and ill motive to the said respondents who have taken upon themselves to be the so-called watchdogs of our society,” ang bahagi ng siyam na pahinang resolusyon na inaprubahan ni Davao Occidental Provincial Prosecutor Marte Melchor Velasco.
Mas matindi raw kasi ang pinagsasabi ni Enchong laban sa kongresista, lalo na ang tungkol sa isyu ng “malversation of public funds”, “which peremptorily makes the complainant a soft target for heavy criticism and pillory, placing her thereby in a bad light due to such reckless and irresponsible tweet of the respondent.”
Binigyan din nila ng bigat ang bahagi ng tweet ng aktor na, “The money for commuters and drivers went to her wedding. Let us not prolong this conversation and don’t say otherwise.”
Tungkol naman sa public apology ng binata na kanyang ipinost makalipas ang ilang araw, ang sabi ng korte, “Calling someone a thief, without proof and with heavy malice, is where to draw the line as this is already libelous.”
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na official statement si Enchong. Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag at pahayag ng Kapamilya actor.
Kung matatandaan, kinasuhan ni Rep. Claudine si Enchong ng P1-billion cyber libel case sa Office of the Provincial Prosecutor sa Davao Occidental nitong nagdaang Nobyembre.
“The posts were meant nothing more than their malicious intentions of maligning my person, depicting me as a corrupt public official,” ang bahagi ng pahayag ng kongresista.
https://bandera.inquirer.net/297529/claudine-bautista-lim-nagsalita-matapos-kumalat-ang-cyber-libel-case-laban-kay-enchong-dee
https://bandera.inquirer.net/297453/claudine-bautista-lim-nagsampa-ng-kasong-cyber-libel-laban-kay-enchong-dee
https://bandera.inquirer.net/290921/lolit-ipinagtanggol-si-rep-claudine-sa-mga-bashers-matapos-ang-magarbong-kasal
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.