Si VP Leni, Duterte at si Bagyong Odette | Bandera

Si VP Leni, Duterte at si Bagyong Odette

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
December 22, 2021 - 04:46 PM

leni robredo rodrigo duterte

Wala tayong magamit na tamang salita upang sabihin at ihayag ang sinapit ng ating mga kaawa-awang kababayan sa Visayas at ilang parte ng Mindanao dahil sa Bagyong Odette.

Mga sirang bahay, gusali at pananim, mga wasak na daan, tulay at iba pang imprastraktura, mga bagsak na puno at poste, walang kuryente, mahina o walang signal na cellphone at internet. Ganito mailalarawan ang mga lugar na dinaanan ng mapinsalang Bagyong Odette. Tama nga ang sabi ng iba, ang bagyo ay tulad ng COVID-19, hindi ito nagse-celebrate ng Pasko at New Year.

Sa katulad natin na naging biktima ng isang mala-delubyung Bagyong Ondoy noong 2009, nararamdaman natin ang kanilang lungkot, panghihinayang, paghihirap, ang sama ng loob, ang physical at emotional stress at trauma, partikular sa mga namatayan at nawalan at nasiraan ng ari-arian. Alam natin ang kanilang sitwasyon, ang kanilang hinaing at pangangailangan sa mga ganitong panahon ng kalungkutan at paghihirap. Sa ating sariling experience, matagal-tagal din bago natin tuluyang nakalimutan ang nangyari sa atin sa Ondoy.

Katulad ng mga nakaraang bagyo at kalamidad na tumama sa ating bansa, si VP Leni Robredo ay personal na nakiisa at nakiramay sa mga kababayan natin na nabiktima ni Odette. Pumunta ang bise-presidente sa Cebu, Bohol, Siargao at Dinagat Islands kung saan nakita nito ang lawak at laki ng pinsala na dinulot ng bagyo, bagay na tila hindi nabigyan pansin dito sa atin sa Metro Manila. Namigay ang kampo ni VP Leni ng mga relief goods para sa mga nasalanta na bagamat hindi sapat ay nagdulot naman ng walang sukat na kaligayahan sa mga nakatanggap at nangangailangan.

Ang pagpunta ni VP Leni sa mga lugar na nasalanta ay nagbigay ng malaking bagay sa mga biktima na hindi masusukat ng pera o bagay. Itinaas ng bise-presidente ang moral at pag-asa ng mga ito ng sila ay halos lugmok at nakadapa. Pinawi ni VP Leni ang pangamba nila sa panahon na sila ay nakaramdam ng pag-iisa at takot. Binigyan sila ng VP ng tunay na malasakit, pakikiramay at pakikiisa sa oras ng kanilang pagdadalamhati. Naramdaman nila ang gobyerno sa panahon ng kalamidad at delubyo sa pagpunta at pakikiisa sa kanila ng bise-presidente.

Ang pagtulong ni VP Leni sa panahon ng kalamidad ay matagal ng ginagawa ng kanyang opisina, ang Office of the Vice-President (OVP), maski wala ito sa direktang mandato nito. Ngunit hindi na kailangan ng batas at mandato para tumulong sa ganitong sitwasyon. Ang OVP ay mistulang relief goods storage room kung makikita natin ito dahil sa dami ng mga bagay-bagay na natatanggap nito sa mga iba’t-ibang tao upang ipamigay sa mga nasalanta ng kalamidad.

Kagaya ng dati, hindi naman nagustuhan ni Pangulong Duterte ang ginawa ng kanyang constitutional successor. Kay Duterte, ang pagmamalasakit at tulong na ginagawa ni VP Leni sa panahon ng mga sakuna at kalamidad ay isang pamumulitika. Para sa Pangulo, ang pagtulong ng kanyang bise-presidente sa mga biktima ng kalamidad ay isang political competition.

Hindi lang isang beses nag-rant at sinita ni Duterte ang pagtulong ni VP Leni sa ganitong panahon. “Do not compete with me” ang tuwinang sinasabi ng Pangulo kay VP sa mga ganitong sitwasyon. Isa tayo sa mga maraming nagsasabi at sumisigaw na mali at walang basehan ang pananaw ng Pangulo. Walang lugar ang “political insecurity” sa panahon ng kalamidad. Ibaling na lang sana ng Pangulo ang panahon niya upang tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Odette at huwag idahilan ang kakulangan ng pondo at COVID-19 sa hindi pagtulong nito.

Si VP Leni, o kahit sinong tao, kakampi man o kalaban, anumang kulay ng politika nito ay may karapatang tumulong sa ganitong panahon. Si Senator Manny Pacquiao, Mayor Isko at iba pang presidential candidates ay nakiramay at tumulong na rin sa mga nabiktima ng bagyo. Maski si dating senador Ferdinand Marcos Jr. na noon ay pambihirang makita sa mga ganitong okasyon ay nakiisa, nagparamdam at nag-donate rin.

Habang may Odette o gaya ni Odette, habang may Duterte o gaya ni Duterte, may VP Leni o gaya ni VP Leni na tatayo at tutulong sa mga nasalanta at nabiktima.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending