Habambuhay na pagkakulong, P5M multa para sa mga bank hackers–Defensor
Habambuhay na pagkakulong at P5 milyong multa ang parusang ipapataw sa mga cybercriminals na nasa likod ng pag-hack sa mga deposit accounts sa bangko, ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor.
“Ang pag-hack at pagpasok ng ilegal sa computer system ng mga banko at pagnanakaw mula sa 150 accounts ay katumbas ng economic sabotage,” ani Defensor na tumatakbong mayor ng Quezon City.
“Sa ilalim ng batas ang parusa dito ay habambuhay na pagkakulong at multa ng P5 million,” sabi ni Defensor.
Tinutukoy ni Defensor ang Republic Act No. 11449, na isinabatas nuong 2019 at nagtaas sa mga parusa para sa ilegal na paggamit ng mga electronic access devices gaya ng cards, codes, PINs, user names at passwords.
Sang-ayon sa Union Bank of the Philippines (UBP), di bababa sa anim na katao ang nagkuntsabahan upang ma-hack ang mga account sa ibang banko nitong nagdaang weekend.
Nadiskubre ang hacking matapos magreport ang 700 na depositors tungkol sa pagkabawas ng pera sa kanilang mga accounts na nailipat sa isang fictitious account na nasa pangalan ng isang “Mark Nagoyo” sa UBP.
Hindi pa tukoy sa ngayon kung gaano kadaming account at kung magkano lahat ang nanakaw ng mga hackers.
Ngunit may mga report na nagsasabing aabot sa P5 million ang mga nanakaw na pondo ng mga cybercriminals at nailipat sa cryptocurrency.
Ayon kay Defensor, dapat i-require ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga banko na mag-high alert laban sa mga cybercriminals kahit weekend at holiday.
“Alam na natin na karamihan sa mga cyberattacks sa banko ay nangyayari pag weekend at holiday kaya ang praktikal na solusyon ay para sa mga banko na maging mas vigilant sa mga araw na iyon,” sabi ni Defensor.
Ipinaalala ni Defensor ang isang malaking cybercrime na nagkakahalaga ng $101 million na nakuha sa Bangladeshg Bank nuong 2016 na naganap ng weekend nang panahon na sarado ang mga opisina ng banko.
Nadamay ang banking system ng Pilipinas sa pagnanakaw ng pondo sa Bangladesh central bank matapos $81 million ng mga nanakaw na pondo ay napunta sa limang fictitious deposit accounts sa mga lokal na banko.
“Nais din natin na tapusin ng mga banko ang paglalagay sa sarili nila sa slow mode sa pagalalay sa mga customer kung weekend at holiday,” sabi ni Defensor.
“Dapat ay magresponde kaagad ang mga banko sa mga reklamo ng customer tungkol sa posibleng hacking ng kanilang account o credit card na 24 oras kada araw at pitong araw sa isang linggo,” ani Defensor.
Ayon kay Defensor, inaasahan niyang ang BSP at National Privacy Commission ay magkahiwalay na magpapataw ng multa sa mga banko na na-hack ang mga computer system and kung saan nawalan ng pera ang mga depositors o nakuha ang kanilang mga impormasyong pribado.
“Itong mga multang ito ay kinakailangan para mapwersa ang mga banko na patuloy na maghanap ng paraan na protektahan ang kanilang mga sistema at customers,” ani Defensor.
“Hindi totoo na pinapasan ng mga banko ang financial losses ng cyberattacks,” dagdag ni Defensor.
Ang mga depositors ang nagbabayad ng financial losses ng mga banko tuwing may nananakaw na pera sa mga accounts, dagdag ni Defensor.
“Sa totoo lang, tuwing humihingi ang mga banko ng dagdag na bayad sa ATM withdrawal at credit card, lagi nilang sinasabi na kailangan ang mas mataas na singil upang bayaran ang mga financial losses na dulot ng mapanlinlang na mga transaksyon,” sabi ni Defensor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.