Supporters ni VP Leni, tunay at dumadami
Ibang Pananaw - December 15, 2021 - 04:12 PM
Hindi maikakaila na dumadami ang supporters ni VP Leni Robredo mula nang ito ay maghain ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo. Hindi maitatanggi na ang supporters ng VP ay sinsero at tunay, na ang hangarin ay magkaroon ng isang maganda, respetado at matinong gobyerno.
Matatandaan na nagkaroon ng Pink Revolution sa social media ng araw mismo ng naghain ang VP ng kanyang certificate of candidacy sa pagkapangulo. Nagkulay pink ang social media (Facebook, Instagram, Twitter, Tiktok at iba pa) kung saan lantaran at matapang na pinahayag ng mga netizen ang kanilang damdamin at suporta sa kandidatura nito sa pagkapangulo. Ang araw na ito ay nagpaalala rin sa atin ng isang kaganapan noong panahon ng diktaduryang Marcos (Sr.) – ang noise barrage – kung saan nag-ingay ang taong bayan sa buong Metro Manila noong gabi ng April 6, 1978, upang ipahiwatig at iparating ang pagtutol nila sa diktaduryang Marcos.
Ang Pink Revolution, na hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa sa social media, ay naging daan naman para magkaroon ng isa pang pagpapahayag ng suporta kay VP Leni – ang pink caravan – na inumpisahan ng kanyang mga supporters sa Bicol region noong October 16 at hanggang ngayon ay nagaganap sa iba’t ibang lugar. Hindi natin makakalimutan ang mga eksena sa mga pink caravan kung saan pami-pamilya at magkakaibigan ang kusang dumadalo dito at yung mga taong nag-aabang sa kalye upang ipakita ang suporta sa bise-presidente. Papaano natin makakalimutan ang (ngayon) iconic na larawan na ibinahagi ng isang netizen (Busy President Leni Robredo Supporters) sa Facebook kung saan makikita ang mag-amang nagbibisikleta na lumahok sa Naga City caravan na may mensahe “ isang anak na nakikiisa para sa kanyang kinabukasan at ama na nakaalalay sa kanyang pagtahak dito”. Ang larawan at mensahe ay direktang nasabi ang tunay na kahulugan ng naganap na caravan.
Nagsagawa na rin ng kanilang sariling caravan ang mga ibang kandidato sa pagkapangulo ngunit makikita at mararamdaman natin ang pagkakaiba nito sa mga pink caravan. Kulang sa emosyon, kulang sa damdamin, kulang sa alab at init. Bukod sa mga kandidato at mga politikong nag-organisa, may kulang sa mga lumahok sa caravan, lalo na yung mga taong dapat “naghihintay sa kalye”. Hindi natin nakita sa kanila ang enthusiasm o energy of joy habang lumalahok. Kabaliktaran ng ating nakikita sa mga pink caravan maski kadalasan wala mismo ang kandidatong si VP Leni dahil mabilisan at kusang loob (spontaneous) na ginawa ang caravan ng kanyang mga supporters. Hindi sila hinimok ng mga politiko na sumali, hindi sila hinakot upang dumami at lalong hindi naman sila pinangakuan ng pera o bagay. Isinagawa nila ang caravan ng kusa upang ipahayag ang kanilang damdamin at suporta kay VP Leni. Sila ay tunay na supporters ng VP at makikita natin sa kanila ang tuwa at sinseridad sa pagsali. Mararamdaman natin ang kanilang emosyon. Mababasa natin sa kanilang mga mukha ang kagustuhan ng pagbabago, ang pagkakaroon ng isang matino at malinis na pamahalaan sa 2022.
Ang dumadaming supporters ni VP Leni ay dala na rin ng pangambang makabalik sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos, na minsan ng pinatalsik ng taong-bayan, sa pamamagitan ng dating senator Ferdinand Marcos Jr. Si Marcos ay tumatakbo sa pagkapangulo hindi base sa kanyang credentials o nagawa sa bansa kung mayroon man. Umaasa si Marcos na ihahalal siya ng taong-bayan dahil siya ay anak ni Marcos Sr, ang dating pangulo at diktador ng bansa. Si Marcos ay naniniwala na iboboto siya ng mga tao dahil sa mga nagawa ng kanyang ama sa bansa. Pero ano ba ang ginawa ni Marcos Sr. sa ating bansa?
Ang palpak na pamamahala ni Pangulong Duterte at mga hindi magagandang ginawa nito ay nagtulak din sa marami na suportahan si VP Leni at tiyakin na ang kandidato ng pangulo, o ang mga kandidatong humihingi ng suporta nito, katulad ng mayor ng Maynila, ay hindi makaupo sa Malacanang.
Marami ang nagnanais ng tunay na pagbabago. Marami ang naghahangad ng isang matinong gobyerno sa 2022. Hindi natin nakikita ito sa sakaling pamahalaang Marcos o Moreno. Tunay ngang dumadami ang supporters ni VP Leni.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.