James Blanco inatake ng matinding takot nang magka-COVID: 9 kaming tinamaan sa pamilya
James Blanco and family
MAY kinatakutan nang bonggang-bongga ang Kapuso actor na si James Blanco nitong nakaraang Agosto na talagang hinamon ang kanyang tapang at pananampalataya.
Siyam na miyembro kasi ng kanyang pamilya, kabilang na ang kanyang sarili, ang tinamaan ng COVID-19, kabilang na ang kanyang ama at anak kaya matinding takot at stress ang naramdaman niya that time.
“Marami kasi sa family namin ang nagka-COVID, e. Father ko, anak ko, ako, kapatid ko, siguro, siyam kami na nagka-COVID. So, doon ako nakaramdam ng takot, kasi mag-isa ka lang sa room.
“Tapos, lalo na, yung mga bata, wala pang vaccine. So, medyo dun ako kinabahan.
“Kasi yung father ko, muntik na siya, e, noong August…sa awa ng Diyos, nalampasan naman namin lahat,” pahayag ni James sa ginanap na face-to-face mediacon ng horror trilogy na “Huwag Kang Lalabas” last Dec. 12, sa Fisher Mall, Quezon Avenue, Quezon City.
Ang “Huwag Kang Lalabas” ng Obra Cinema ay isa sa mga official entry sa 2021 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Dec. 25. Kasama si James sa “Bahay” episode ng “Huwag Kang Lalabas” with Aiko Melendez and Joaquin Domagoso, directed by Adolf Alix, Jr..
Sa nasabing presscon, natanong din si James kung paano nila ise-celebrate this year ang Christmas at ano ang expectations niya sa pagpasok ng 2022.
“Siyempre, unang-una, sana next year, maging normal na lahat. Bumalik na talaga tayo sa normal. At magkasama-sama na tayong pamilya.
“Saka sa movie, sa TV and then sana, bumalik na rin ang isang network natin para mas maraming trabaho ang mga artista at taga-industriya.
“Ngayong Pasko, siyempre may hinaharap pa rin tayong pandemic. Medyo nag-iingat pa rin kami.
“So, sa pamilya namin, medyo ingat. Nakakalungkot na hindi pa rin kumpleto na magsasama-sama, although meron naman tayong zoom, dun na lang muna,” lahad ng aktor.
View this post on Instagram
In fairness, kahit nagkaroon ng pandemya ay hindi nawalan ng trabaho si James na itinuturing niyang malaking blessing sa kanya at sa pamilya nila.
Aniya pa, reunion project daw nila ni Aiko ang pelikulang “Huwag Kang Lalabas” matapos magkasama sa Kapuso series na “Prima Donnas”. Gaganap silang former lovers sa “Bahay” episode.
“Parang reunion namin yun, e. Bumalik kami isang taon bago ulit kami nag-taping ng Prima Donnas. Sana nga sa susunod mas mahaba pa ang taping namin,” ani James.
Makakasama rin nila sa “Bahay” episode ng “Huwag Kang Lalabas” sina Joaquin Domagoso, Dave Bornea, Bembol Roco, Ayeesha Cervantes, Soliman Cruz, Jess Evardone at Carlos Dala.
View this post on Instagram
https://bandera.inquirer.net/300394/aiko-puring-puri-ang-anak-ni-yorme-na-si-joaquin-napakabait-na-bata
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.