Angeline Quinto umamin na: Magiging nanay na rin ako | Bandera

Angeline Quinto umamin na: Magiging nanay na rin ako

Reggee Bonoan |December 10,2021
facebook
share this

Angeline Quinto umamin na: Magiging nanay na rin ako

Reggee Bonoan - December 10, 2021 - 10:05 PM

Angeline Quinto umamin na: Magiging nanay na rin ako

MATAGAL nang kinukulit si Angeline Quinto ng adoptive mother niyang si Mama Bob na mag-asawa na noong nabubuhay pa bagay na hindi nauunawaan noon ng dalaga.

Madalas, sabi ko nga, ‘Ma bakit mo ba ako kinukulit na mag-asawa na?’ lahad ni Angeline kay Boy Abunda sa episode nitong “Purple Chair Interview with Angeline Quinto” na uploaded sa The Boy Abunda Talk Channel ngayong gabi.

“Ano sabi niya?” balik-tanong ng vlogger/host sa dalaga.

“Kasi pag nawala raw siya wala akong kasama, iniisip niya ‘yun. Kasi totoo naman tito Boy nu’ng nawala ang mama Bob wala, mag-isa lang ako.

“Naramdaman ko ‘yun ‘yung medyo pagkalungkot na tama nga pala ang sinasabi ng mama Bob kasi ngayong wala na siya wala akong kasama rin,” pag-amin ni Angge kay kuya Boy.

Binanggit din ng dalagang singer sa Mama Bob niya na hindi siya nagmamadaling mag-asawa noon dahil gusto muna niyang pagtuunan ang karera niya na matagal din niyang hinintay at naniniwala siya na kusang may darating na ipagkakaloob ng Diyos.

Sa Instagram account ni Angeline ay sinulat daw niya ang “New Life, Chapter One”.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Angeline Quinto (@loveangelinequinto)

“Kasi nu’ng nawala ang mama ko, panibagong panimula ulit at kaya ko na-ipost ‘yun kasi magiging nanay na rin ako,” diretsong pag-amin ng mang-aawit.

Sandaling natigilan si Boy kaya natawa si Angeline, “tito Boy, ha, ha, ha! Totoo baka nagkakamali ka ng dinig!”

“Ulitin natin ‘yun. So, itatanong ko lang para klaro, oo o hindi, buntis ka ba, Angge?” tanong ng vlogger/host.

“Opo. Opo tito!” sambit ng dalaga.

Hindi taga-showbiz ang boyfriend at ama ng magiging anak ni Angeline at nakatakda siyang manganak sa Abril 2022.

“Who is the father of your baby?” tanong ni kuya Boy.

“Nakilala ko siya tito Boy dahil kaibigan siya nu’ng boyfriend din ng kaibigan ko sa Sampaloc, Manila.

“Tapos nu’ng nagkita kami isang beses hanggang sa nagkaroon ng communication po, nagtuluy-tuloy. So, bale mag=iisang taong mahigit na rin kami,” seryosong sabi ng soon to be a mom.

Sa tanong kung puwedeng malaman ang pagkakakilanlan ng tatay ng anak, “ha, pangalan? Tito Boy! Ite-text ko na lang sa inyo (tawang-tawa naman ang host).”

Biro pa ni Angeline, “o kaya ID niya bigay ko sa ‘yo tito Boy para alam n’yo rin saan nagwo-work, ha, ha, ha, ha.”

“Why did you know that he was the one?” tanong ulit ni Boy.

“Tito Boy ganu’n pala ‘yun, parang alam mo agad?” nakakunot ang noong sabi nito.

“Hindi naman agad!” sagot nito sa tanong kung love at first sight.

“Matagal na rin akong hindi nagkaroon ng relationship, nagkakilala kami parang bago palang ang pandemic, so bago nawala ang mama, na-meet pa niya (boyfriend) si mama Bob,” esplika pa nito.

Sa madaling salita ay kakaiba na ang naramdaman ni Angge na ito na nga ang lalaking makakasama niya sa buhay.

“Ako lang po, siyempre bago ka pumasok sa isang relasyon may mga makikita kang mga bagay na kumplikado pero tinanggap ko kahit alam kong may mga kumplikado sa kanya,” katwiran ng dalaga.

“At dahil tinanggap mo, alam mong mahal mo?” tanong ni kuya Boy

“Opo,” mahinahon nitong sagot.

Masugid bang nanligaw, “ang tagal kong na-miss ‘yung kiligin ako, hindi lang ako kinikilig dahil nanonood ako ng pelikula kundi totoong nararamdaman ko siya so doon nag-umpisa po hanggang sa sinabi rin naman niya sa akin ‘yung tungkol sa mga past niya kasi po mayroon din siyang anak sa ibang babae.”

Pero ipinagdiinan ni Angge na hindi kasal ang ama ng isisilang niya sa susunod na taon.

Inaming isa sa mga nagustuhan ni Angeline sa boyfriend niya ay dahil nagtapat ito ng tunay nitong estado sa buhay kaya minahal niya ito.

Noong Setyembre nalaman ni Angeline na buntis siya na siya mismo ang nag-test sa sarili na noong una ay hindi pa niya alam dahil nga nasanay siya sa linya kapag nagpapa-swab test siya

“Tito Boy, natakot ako noong una kasi, sa totoo lang, hindi ko pa nga alam tingnan yung positive at negative sa pregnancy test, kasi nasanay ako sa swab.

“Ang tagal ko sa CR noon, hindi ako makalabas ng CR. Iniisip ko lang, sinong unang sasabihan ko. Sa bahay, wala naman akong sinabihan agad kasi natatakot nga po ako,” pahayag nito.

Natakot dahil baka maapektuhan ang trabaho niya.

“Una, sa trabaho ko. Paano ko masasabi sa mga katrabaho ko.Pero bukod naman doon, ‘yung takot na pagiging nanay o sa bata, wala naman,” saad nito.

Nabanggit ding laging sinasabihan si Angeline ng kasintahang huwag siyang mag-aalala dahil nasa tabi naman niya ito.

Samantala, nakilala na ni Angeline ang ina ng boyfriend dahil nu’ng nasa Amerika siya para sa show ni Vice Ganda na isa siya sa guest ay nanood ang soon to be mother-in-law at niyaya siyang mag-dinner.

“Okay naman po, niyaya akong mag-dinner tapos nangumusta. Tinanong ako kung kailan kami magpapakasal, siyempre sino bang babae ang ayaw ikasal, di ba? Pangarap ko ‘yun, pangarap ng mama Bob, pero kasi ang kasal ibang usapan na so ang gusto ko kung ano ‘yung tamang proseso o paghahanda para sa kasal.

“Kasi ngayon ang pinaka-priority po is ‘yung bata siyempre in the future kung ikakasal kami, papasalamat ako,” paliwanag ni Angeline.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

At sa kasalukuyan ay hindi pa raw nakikilala ng singer ang mga anak ng boyfriend niya,”pero hindi naman po problema ‘yun kasi tinatanong niya ako like halimbawang kailangan niyang kitain ang mga bata, wala rin naman pong problema sa akin ‘yun. Saka ako rin ang nagsasabi sa kanya kapag birthday ng anak niya baka nakakalimutan niyang regaluhan.”

Walang binanggit kung saan manganganak si Angeline pero ang ipinagdiinan niya ay ngayon lang ulit siya naging masaya at aware rin ang partner niya na kilala siya at naga-adjust naman.

Related Chika:
Angeline Quinto kumpirmadong five months preggy sa non-showbiz dyowa
Angeline maligaya na sa piling ng non-showbiz BF, inaming ‘nag-try’ sila ni Erik: Pero sabi ko wag na nating pilitin

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending