Ka Tunying naniniwalang magaling na ang anak na may leukemia: Siya ang pinakadakilang Manggagamot!
Zoey at Anthony Taberna
MAKALIPAS ang dalawang taon, tuloy pa rin ang pakikipaglaban ng anak ng broadcast journalist at TV host na si Anthony Taberna sa sakit na leukemia.
Sumasailalim pa rin ngayon sa chemotherapy treatment si Zoey Taberna pero naniniwala ang kanyang pamilya na magaling na ang bata dahil sa pagmamahal ng Diyos.
Sa pamamagitan ng isang mahabang mensahe sa Facebook, nagbigay si Ka Tunying ng update sa health condition ng anak kalakip ang litrato nilang mag-ama.
“Ang Panginoong Diyos ay pinakamabuti. Siya ang pinakadakila. Siya ang pinakamaunawain at walang kapantay ang Kaniyang pag-ibig.
“Kung kailan tayo pinakalugmok, doon lalo Niyang pinatutunayan na Siya ay maaasahan. At sa gitna ng pinakamabigat na pagsubok, lalo Siyang nagiging malapit sa Kaniyang hinirang,” ang simulang pagbabahagi ng news anchor.
Pagpapatuloy pa niya, “Eksaktong dalawang taon na ngayon … akala ko ay simpleng karamdaman lamang ang taglay ng aming panganay na si Zoey nang bandang alas Dos ng madaling araw ay ginising niya ako na umiiyak at idinadaing ang hindi niya matiis na kirot sa hita at binti.
“Inakala namin na karaniwang karamdaman lamang subalit wari’y gumuho ang aking mundo nang mabatid na siya ay may Leukemia. Bilang magulang, matinding kaba at takot ang naramdamdaman naming mag-asawa ngunit pinipilit ikubli ang damdaming iyon kay Zoey upang huwag siyang panghinaan ng loob.
“Pero habang nakikita namin siyang nahihirapan, may hapdi at kirot na nararamdaman at unti unti ay bumabagsak ang kaniyang katawan, hindi mapigilang mag-alala noon na mawala sa amin si Zoey – ang panganay na biyaya ng Ama sa aming pagsasama bilang mag-asawa,” lahad ni Ka Tunying.
Aniya pa, ang pinakamasakit daw sa lahat ay ang tumatakbo noon sa isipan ni Zoey, “Ang totoo, ang lalong nagpapahapdi sa aming damdamin ay ang tanong ni Zoey sa musmos niyang isipan – bakit siya nagkasakit? Mayroon ba siyang ginawang kasalanan? Kung puwede nga lamang, mailipat na sa akin ang sakit.
“Hindi naman ako ang may katawan, hindi naman ako ang maysakit kaya madali para sa akin na sabihing ‘pagsubok lamang ito, Anak… wag kang mawawalan ng loob.’ Pero hindi ko alam kung ano ang nasa isip ni Zoey habang pinahihirapan ng cancer ang kaniyang murang katawan. (crying heart emojis).”
Pinasalamatan din niya ang lahat ng taong walang sawang sumusuporta at nananalangin para sa paggaling ng anak, “Salamat na lamang at walang pagod ang Namamahala sa Iglesia – Ang Ka Eduardo Manalo sa pagpapayo sa atin – magpanata sa Ama dahil hindi Niya tayo pababayaan.
“Kaya sa Panginoong Diyos namin isinandal ang aming tiwala. Iniluhod naming mag-asawa sa tribuna, tumangis sa Ama at ipinagmakaawa na pagalingin si Zoey – madali lang ‘yun sa Kaniya dahil Siya ang pinakadakilang Manggagamot at Makapangyarihan sa lahat.
“Kung ito’y pagsubok, gawin kaming matatag at kung ito’y dahil sa aking mga kasalanan at pagkukulang, ako’y patawarin Niya. Sa pagkasangkapan sa mga kaibigan, doktor, gamot at pagpapahid ng langis, batid namin na ang Panginoong Diyos ay nakinig sa aming panalangin.
“Si Zoey na halos ay humuhulagpos na mula sa aming pagkahawak at pagkayakap, kasama namin ngayon – ibinalik ng Ama ang kaniyang dating lakas,” pahayag pa ni Ka Tunying.
“Oo at nagpapatuloy pa ang chemo treatment subalit sumasampalataya kami na magaling na si Zoey dahil ang Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus ay tumugon sa aming paninikluhod at pagdaing.
“Maliwanag sa isip at puso namin sa pamilya, lalo na kay Zoey8 – ang buhay na taglay ay ang Diyos ang may bigay at magkakaroon lamang ito ng kabuluhan kung Siya ay patuloy na sinasamba, pinaglilingkuran at binibigyan ng kasiyahan.
“Ang pagsubok at kapighatian ay andyan para sa ating ikabubuti. Salamat po Ama, lalo po kaming napalapit sa iyo. Sa mga nananalangin para kay Zoey, maraming salamat po. At kay Zoey, mahal na mahal ka namin Anak. Happy ‘2nd birthday’ (three heart emojis),” sey pa ni Ka Tunying.
https://bandera.inquirer.net/281352/ang-diyos-nga-ba-ang-nakalimot-marahil-ako-ang-nagkulang-ako-ang-nagpabaya
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.