‘Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings’ panalo sa aksyon at comedy
ANG sarap na uling manood ng sine kasama ang mga kaibigan pero with social distancing siyempre at pagkatapos ay magtsitsikahan habang umiinom ng masarap na kape at desserts.
Ganito ang naging experience namin sa ginanap na screening ng “Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings” sa Cinema ‘76 Film Society sa 3rd floor Anonas LRT City Center, Aurora Blvd., Quezon City nitong Miyerkules.
In fairness, ang higpit ng namamahala sa Cinema ‘76 Film Society dahil nasa 120 seating capacity ito na dapat sana ay 50% ang puwedeng manood base sa protocols ng pamahalaan o 60 katao lamang, pero ginawang 40 na lang ang puwedeng manood.
Ang paliwanag ng publicist ng Cinema ’76 Film Society na si Monina de Mesa, “Ginawang 40 persons lang para mas safe at para hindi mag-alangan ang manonood na marami silang kasabay, worry free talaga, sabi nga relax and enjoy the movie.”
Type namin ang very relaxing upuan ng nasabing sinehan at ang ganda ng sound effects, super ginaw kasi nga kaunti lang at mabango sa loob pati na sa restrooms.
At ‘yun nga pagkatapos mong manood ng sine ay bumaba ka lang sa 2nd floor para sa Cinema ’76 Café na napaka-cozy ng lugar. Hindi aircon ang venue pero napaka mahangin kaya safe na magtanggal ng masks.
Anyway, siksik sa action scenes ang bagong Marvel Studios offering ng “Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings” sa pangunguna nina Simu Liu, Tony Leung, Ben Kingsley, Awkwafina, Michelle Yeoh at marami pang iba.
Tinanong nga kami ng kasama namin kung humihinga pa kami dahil napapaangat talaga kami sa mga eksena, aliw talaga si Awkwafina na nagmarka sa Hollywood movies na “Oceans 8” at “Crazy Rich Asians” na parehong ipinalabas noong 2018.
* * *
Kasunod ng matagumpay na pagtatanghal ng ikaapat na Sine Kabataan Short Film Competition noong Setyembre, bukas na muli ang paanyaya ng Film Development Council of the Philippines (FDPC) para sa ikalimang edisyon nito para sa mga bagong story concepts.
Bukas ang patimpalak sa mga filmmaker na may edad na 18 hanggang 30 taong gulang mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Kasama sa programa ng Sine Kabataan ang pagbibigay ng training sa filmmaking, o film labs, para sa mga kalahok.
Ito ay naglalayong mabigyang espasyo ang mga perspektiba ng kabataan sa mga isyung panlipunan, na inaasahang magpapayabong sa kanilang pagkamalikhain at orihinalidad sa pagkukuwento, nang may pakikilahok sa mga mahahalagang isyu.
Mula sa lahat ng kalahok ay pipili ng 20 story concepts na sasailalim sa mga film lab. Sampu sa mga ito ay tatanghaling finalist ng Selection Committee batay sa isang pitching showcase. Bawat isa sa sampung finalist filmmaker ay mabibigyan ng PHP 100,000 grant upang isapelikula ang kanilang mga indibidwal na short film concept.
Sa pagluluwag ng mga restrictions, ililipat ng FDCP ang mga film lab at iba pang mga kaganapan sa hybrid, o paggamit ng pinaghalong on-site at digital platform, upang isagawa ang mga training at nang mas mapaganda ng mga kalahok ang kanilang mga proyekto at linangin ang kasanayan ng mga nila sa film production.
“Witnessing the effectiveness of conducting film labs from the previous edition of Sine Kabataan, we are now on the lookout for a new batch of young filmmakers with their creative take on relevant societal issues through filmmaking.
“Now that we are shifting the Sine Kabataan events to a hybrid format, the filmmakers can fully utilize the film labs to further enhance their skills and projects,” sabi ni FDCP Chairperson and CEO Liza Diño.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.