Marian: May anak ako kaya kailangan kong maging matatag at malakas para sa kanila
Marian Rivera, Zia at Sixto Dantes
INISA-ISA ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera ang mga naging sandata at panlaban niya para manatiling positibo sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya.
Aminado ang actress-TV host na hindi rin naging madali para sa kanya at sa asawang si Dingdong Dantes na mag-adjust para mabuhay sa new normal dulot ng COVID-19 pandemic.
“Lahat naman tayo ay na-shock talaga sa nangyari sa atin sa pandemyang ito, hindi ba? Pero bilang nandito na ito, minsan nag-uusap kami ni Dong (Dingdong) na ano’ng gagawin natin? Hindi naman puwedeng maghintay tayo na maging ganito,” ang simulang pagbabahagi ni Marian sa ginanap na virtual mediacon para sa 4th anniversary celebration ng programa niyang “Tadhana”.
Ang talagang inalala raw niya noong kasagsagan ng pandemya ay ang mga anak nila ni Dingdong na sina Zia at Sixto. Aniya, talagang pinag-usapan nila ng asawa ang magiging plano nila para sa kanilang pamilya habang may pandemya.
“Gawin mong positibo talaga ang environment na ito. Malaking factor rin na nandiyan ang asawa ko na kaming dalawa ay nag-uusap, nagtutulungan.
“Higit lalo may anak ako, na kailangan kong maging matatag at malakas para sa kanila. Hindi ako puwedeng maglugmok kasi ‘yung anak ko nag-aaral. Kailangan kong i-explain sa kanila kung ano ang buhay na meron ngayon,” paliwanag ng host ng Kapuso drama anthology na “Tadhana”.
Dagdag pa ng aktres, “Siyempre, sa tulong ng nasa Itaas. Hindi naman puwedeng wala Siya. Kapag malakas ang faith mo, malakas ang kapit mo sa Kanya, sure ako na hindi ka Niya pababayaan.
“Ipapaliwanag Niya mismo kahit natutulog ka, ‘Anak, ito ang dapat mong gawin, at ito ang mangyayari ngayon,'” aniya pa.
View this post on Instagram
Mensahe pa niya sa lahat ng Filipino, kailangan lang daw na magtulungan ang bawat isa para malampasan ang mga pagsubok sa pandemyang ito.
“Maganda siguro na maiisip mo talaga na lahat ng ito ay lilipas din. Kung magtutulungan tayo, makakaya natin ito.
“Bilang positibo kang tao, mas mabuting i-share mo ‘yan sa mga nakapaligid sa’yo para dumami tayong mas positibo sa buhay, na kakayanin natin ang pagsubok na ‘to,” lahad pa ng aktres.
https://bandera.inquirer.net/286293/dingdong-kay-marian-napakaswerte-ko-na-siya-talaga-ang-naging-asawa-ko
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.