MMFF magbabalik sinehan; 8 official entries inilabas na | Bandera

MMFF magbabalik sinehan; 8 official entries inilabas na

Reggee Bonoan - November 12, 2021 - 09:39 PM

MMFF magbabalik sinehan; 8 official entries inilabas na

“AFTER two years puwede nang lumabas ang mga bata, puwede nang lumabas ang mga lolo’t lola at higit sa lahat puwede na pong manood ng pelikula sa cinemas,” ito ang bungad ni MMDA Chairman Benhur Abalos sa ginanap na face to face mediacon para sa pagbabalik ng 47th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 2021.

Ayon kay Chairman Abalos ay mas pagagandahin since inilagay na ang Metro Manila sa Alert Level 2 ay maari nang manood ng sine ang mga nabanggit pero sa kapasidad lang na 50% sa mga sinehan.

Anyway, umabot sa 19 finished films ang nagsumite para sa MMFF at pinasalamatan ni Chairman Abalos ang lahat ng film companies na sumali dahil isang malaking sugal ito sa parte nila dahil hindi naman sila sigurado kung tuloy ang festival ngayong 2021 at maibabalik ang puhunan nila.

Heto tuloy na tuloy na at ang walong napiling entries para sa MMFF na simulang mapapanood sa December 25 hanggang January 7, 2022 ay ibinase sa mga kriteria Artistic Excellence 40%, Commercial Appeal 40%, Filipino Cultural Sensibility 10%, at Global Appeal 10%.

Dalawa ang entry ng Viva Films:

Ang “A Hard Day” movie nina Dingdong Dantes at John Arcilla na idinirek ni Lawrence Fajardo na produced ng Viva Films at ang “The ExorSis” ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga mula sa direksyon ni Fifth Solomon.

Hard action ang “A Hard Day” na hango sa Korean film with the same title na ipinalabas sa South Korea noong 2014.

Horror-comedy naman ang “The ExorSis” na naaliw ang lahat ng mga nakapanood ng trailer dahil kay Alex.

Ayon sa producer ng “The ExorSis” na si Direk Paul Soriano ay nabuo konsepto ito ng magkapatid na Toni at Alex habang magkakaharap sila kasama ang kaibigang si direk Fifth. Kuwento-kuwento hanggang makabuo ng istorya at sabay sabing, “produce mo ‘tong movie.”

Base naman sa trailer ng “Big Night” ni Christian Bables na idinirek ni Jun Robles Lana na produced ng Cignal/ IdeaFirst, Octobertrain at Quantum Films ay muling ipinakita ng aktor ang best niya na kahit na gay ulit ang role niya ay ibang-iba ito sa mga nagampanan niyang gay movie tulad ng “Panti Sisters” at “Die Beautiful”.

Pawang mga baguhan ang bida ng “Love at First Stream” na pagbibidahan nina Anthony Jennings, Jeremiah Lisbo, Daniella Stranner at Kaori Oinuma mula sa direksyon ni Cathy Garcia Molina na produced ng ABS-CBN Film Productions, Inc at Kwentolabs, Inc.

Base sa trailer ay Gen Z ang target market nito ng “Love at First Stream” at mala “Vince, Kath and James” ang dating na mga cutie pie sa big screen.

Abut-abot ang pasalamat ni direk Cathy sa bumubuo ng The Metropolitan Manila Development Authority at Metro Manila Film Festival dahil sa ilang dekada na niya bilang in house director ng Star Cinema ay ngayon lang siya napasali sa MMFF kaya sobrang excited niya dahil bago man lang daw siya mag-retiro ay masasabing napasama ang pelikula niya sa nasabing film festival.

Hindi na siguro kailangan ng introduction ang pelikulang “Whether the Weather is Fine (Kun Maupay Man It Panahon)'” dahil kaliwa’t kanan na ang napanalunan nitong awards sa 12 film festivals na sinalihan nito sa iba’t ibang bansa.

Kaya panahon naman para mapanood ito sa Pilipinas kung saan nagmula ang kuwento ng pelikula nina Ms Charo Santos-Concio at Daniel Padilla na ginampanan nila ang survivors ng super typhoon Yolanda na tumama sa Tacloban City na probinsya ni direk Carlo Francisco Manatad na naging biktima rin ng nasabing bagyo.

Ayon kay Atty, Joji Alonso isa sa producer ay, “excited kami na napasama sa Metro Manila Film Festival kasi ang dami na nitong sinalihan abroad tapos wala naman dito pa sa Pilipinas, so it’s a welcome home.”

Marami pa raw film festivals ang nag-imbita sa “Whether the Weather is Fine (Kun Maupay Man It Panahon)” sa ibang bansa na ang nakadadalo parati ay si direk Carlo.

“Once lang ako sumama sa Switzerland, the rest hindi na. Closing film din kami sa Jakarta,” sabi pa ni Atty. Joji.

Aminado rin ang Quantum producer na mahirap mabawi ang puhunan ng pelikula na umabot sa P65M dahil ilang taon itong ginawa at nagpapasalamat siya sa mga investors tulad ng Cinematografica, Plan C, House on Fire, iWantTFC, Globe Studios, Black Sheep, AAND Company, Kawankawan Media, Weydemann Bros at CMB Films.

Tungkol sa mga pasyente ng COVID-19 virus ang kuwento ng “Nelia” ni Winwyn Marquez kasama si Raymond Bagatsing na idinirek ni Lester Dimaranan produced ng A & Q Films.

Nakaka-intriga ang trailer ng “Nelia” dahil nurse ang karakter ni Winwyn pero lagi isyang namamatayan ng pasyente at marami ang nagtataka kung bakit bukod pa sa nakitaan siya ng kakaibang ugali.

Ginawa ng pelikula ang “Huwag Kang Lalabas” ni Kim Chiu matapos gawin itong kanta at memes ng netizens na umani ng ilang milyon views ang video mula sa iba’t ibang online platform.

Kung naaliw tayo sa mga “Huwag Kang lalabas” video ni Kim ay ginawa naman itong katatakutan ni Direk Adolf Alix, Jr na produced ng Obra Cinema Films sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan at line produced ni Dennis Evangelista.

Sabi nga ni Mayor Roque, “bagay ang nakakatakot na pelikula pag December.”

Kaya ito ang entry nila at take note, big stars ang mga bida tulad nina Kim, Beauty Gonzalez, at Aiko Mekendez.

Patok ang mga programa nina Ken Chan at Rita Daniela sa GMA 7 at marami rin silang supporters kaya sinugalan sila ng Heaven’s Best Entertainment na idinirek ni Louie Ignacio sa romantic-comedy na pelikulang “Huling Ulan sa Tag-Araw”.

Abangan naman ang Gabi ng Parangal sa December 27.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa unang pagkakataon ay walang host city ang 2021 MMFF para sa Parada ng mg Bituin na gaganapin sa December 23 dahil gagawin itong fluvial parade na ang 8 floats ay sa Pasig River paparada sa apat na lungsod, ang Pasig, Makati, Mandaluyong at Manila na sponsored ng MMDA.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by MMDA (@mmdagovph)

Related Chika:
Janine inialay ang NY Asian filmfest award sa lahat ng nanonood ng Pinoy movies kahit may pandemya
#PinoyPride: John Arcilla waging best actor sa 78th Venice Film Festival para sa ‘On the Job: The Missing 8’

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending