Bandera Editorial
NAPAKAHIGPIT ni Comelec Chairman Jose Melo sa gun ban exemption. Hayun, madaling naisagawa ang pananakot kay Manila Regional Trial Court Judge Silvino Pampilo Jr., ng Branch 26. Binomba ang kanyang sasakyang Honda CRV habang nakaparada sa tapat ng kanyang bahay.
Bukod dito, may mga napapatay nang mga kandidato sa lokal na posisyon sa Region 1, Region 2, Region 8 at sa Mindanao. Habang nalalapit ang halalan, mas lalong umiigting ang away-politika kaya marami pa ang masusugatan at mamamatay.
Bunsod ng tangka kay Pampilo, muling nanawagan ang Supreme Court sa Comelec na bigyan ng firearms exemption ang mga huwes (pero kung bibigyan ang mga huwes, hihirit din siyempre ang mga prosecutor, mga public attorney, atbp., dahil sila rin ay bukas sa banta ng mga naiipit bunsod ng kanilang trabaho).
Nang ibaba ng Comelec ang mahigpit na regulasyon sa gun ban, sinubukan ding humirit ng National Police. Pero, di na nito iginiit ang kanilang paliwanag dahil tinuldukan na ni Melo ang mahigpit na gun ban.
Sa sobrang higpit ng gun ban, pati mga pulis at sundalo ay nakasuhan sa paglabag nito. Mahirap ipanalo ang kaso sa paglabag sa gun ban, lalo pa’y en flagrante delicto ang kalakaran ng pagkakaaresto. Bukod sa hatol na anim na taon bilanggo, walang probation ang mapatutunayang nagkasala.
Ang napakahigpit na regulasyon sa gun ban ay naging sanhi para mas lalong makapaghasik ng lagim ang mga haragan (If you outlaw guns, only outlaws will have guns, anang kawikaan ng mga responsible gun owners).
Noong panahon ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr., hindi mahigpit ang pagbibigay ng exemptions. Kaya naman, may depensa pa rin ang mamamayan laban sa haragan.
Maganda ang layunin ni Melo sa sobrang higpit ng regulasyon sa gun ban. Pero, ito ba’y mapaiiral niya sa Abra, Cagayan, Ilocos, Bicol, Masbate, Samar, Leyte, Mindoro at buong Mindanao?
“I urge [Comelec] Chairman and Justice (Jose) Melo and Justice (Lucenito) Tagle to have a second look at our application to exempt judges from the gun ban,” ani Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez.
Alam ng SC na hindi madaling “magluwag” si Melo sa mahigpit na gun ban. Pero, puwede bang bigyan niya ito ng “second look?.”
Bandera, Philippine News 041510
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.