Neri Miranda sinagot ang reception ng bride na na-scam ng wedding coordinator: Kami na bahala sa ‘yo
TRENDING ang video ng isang bride na nakilala bilang si Cherry Pie Purisima mula sa Cebu. Napahagulgol at napaupo sa sahig ang bride nang malaman na ang inaasahang reception area matapos ang kaniyang kasal ay hindi pala naka-book para sa kanila.
Ayon sa mga kapamilya ay fully paid na ang wedding coordinator na si Naser Fuentes kaya laking gulat nila nang makitang sarado ang venue para sa reception.
Huli nilang nakita si Naser na nag-aayos ng mga bulaklak at dekorasyon sa simbahan bago ang kasal ngunit hindi na makita noong mismong kasal na.
Marami ang nakapanood sa video ni Cherry Pie at isa na nga rito ang dating aktres at entrepreneur na si Neri Naig-Miranda.
Nag-post si Neri sa kanyang Facebook account para mahanap ang bride matapos mapanood ang viral video nito.
“Bilang naging bride din ako, ang pinaka ayaw natin ay mastress sa mismong kasal natin. Kahit lahat ng tao sa paligid natin, di tayo dapat binibigyan ng stress.
Kung sino po ang nakakakilala sa bride, pakisabi po, message po ako. Kami na bahala sa reception niya,” saad ng dating aktres.
Dito na nga inoffer ni Neri ang kaniyang Korean restaurant sa Cebu bilang reception area ng newlywed couple.
“Dun na natin ganapin ang reception nyo. Since mahigpit po ang dine in pa rin, mga 20 pax po ang kakasya sa resto po namin sa Cebu,” dagdag pa niya.
Bongga naman talaga si Neri dahil bukod sa pagsagot sa reception ay sinagot na rin nito ang wedding cake. Magkakaroon rin ng emcee ang mag-asawa para mag-facilitate ng program at may pabaon rin itong mga regalo para kay Cherry Pie.
“Wala kayong gagastusin mag-asawa. Kami na bahala. May pa-pocket money kami sa inyo kahit papaano. Wag ka nang umiyak. Kami na bahala sa inyo,” sey pa ng momtrepreneur.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.