Ate Gay nag-sorry matapos ang viral statement ni Vice ukol sa pagtulong
TRENDING na naman ngayon ang dalawang komedyanteng sina Ate Gay at Vice Ganda matapos mag-viral ang pahayag ni Vice ukol sa isyu ng pag-tulong.
Hindi man pinangalanan, marami sa mga netizens ang nagsasabing si Ate Gay ang pinatutungkulan ng statement ng Unkabogable star.
Agad namang nanghingi ng tawad ang isa pang sangkot sa isyu na si Ate Gay.
Sa latest showbiz update vlog ni Ogie Diaz, sinabi nito na nakausap niya si Ate Gay at nakisuyo sa kaniyang sabihin kay Vice na humihingi siya ng paumanhin sa mga nangyari.
“Uy pakisabi naman kay Vice, I’m very very sorry. Patawarin niya ako. Alam kong pangit ‘yung ginawa ko pero gusto ko lang sabihin sa kanya na hindi ko na uulitin,” paghingi ng dispensa ng komedyante sa kaibigan.
Nagmula ang isyu matapos putaktihin ng mga netizens si Ate Gay ukol sa kaniyang post na handa siyang mag-unfriend ng mga taong panay ang reklamo sa gobyerno.
Marami ang napataas ang kilay at nagsabing sana ay hindi na lamang siya tinulungan nina Vice at Ogie noong naospital siya.
Matatandaan na isa si Vice sa mga celebrities na walang sawa sa pagpuna ng mga mali sa gobyerno at napabalita ring tumulong kay Ate Gay noon kaya naman idinawit ng netizens ang pangalan nito at ang chika pa ay si Vice raw ang nagbayad ng bill nito sa ospital.
Para raw matigil ang netizens ay inilabas ni Ate Gay ang mga pangalan ng mga tumulong sa kanya pati ang halaga ng ibinigay sa kanya. Giit niya, ang kapatid niya ang nagbayad ng buong bill taliwas sa comment ng netizens na si Vice ang nagbayad.
Ngunit hindi pala aware si Vice sa mga nagaganap at nito lang niya nalaman at nabasa na marami ang mga kumukwestyon sa halagang itinulong niya.
Sa kaniyang programang “It’s Showtime”, hindi na napigilan ng Unkabogable star na maglabas ng saloobin nang mapag-usapan ang pagtulong noong Setyembre 16.
“May natulungan ako. Hindi ko pinagmalaking tinulungan ko pero ‘yung tinulungan ko, sinabi niyang tinulungan ko siya. Tapos nilabas niya kung magkano ‘yung tinulong ko sa kanya. Tapos nabasa ko sa mga comments, ‘Ha? Ganon lang pala binigay ni Vice Ganda, 20,000 lang?
“Napalunok ako, kapag ako ba ‘yung tumulong dapat may presyo?, Tumulong na ako nang kusa, ayoko nga magpa-acknowledge kaya hindi ko sinasabi. Pero yung nilabas mo yung pangalan ko, tapos inokray pa ako ‘bakit 20,000 lang ang binigay?’ nasaktan ako.
“Kapag hindi ka tumulong parang ang sama sama mo, ‘pag tumulong ka kukwestyunin pa: ‘Bakit yun lang tinulong mo?’, that hurts,” pagbabahagi ni Vice.
Marami naman sa netizens ang tila nagtataka kung bakit parang sinisisi sa isyu si Ate Gay gayong mga netizens ang pumuna sa halaga ng itinulong ni Vice.
May nagsasabi rin na kung hindi kasi nag-post si Ate Gay ay wala namang kukwestiyon sa naging tulong ni Vice lalo na’t ayaw naman daw isapubliko ng Unkabogable star ang pagtulong.
Bukas naman ang BANDERA sakaling naisin ng kampo nina Vice Ganda at Ate Gay na magbigay paliwanag sa isyung kinakaharap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.