Face shield at face mask: simbolo ng corruption sa gobyerno
Ibang Pananaw - September 01, 2021 - 07:27 PM
Imbes na sagutin ang mga isyung corruption na kinakaharap ng kanyang administrasyon, tila nag-tantrum na naman si Pangulong Duterte sa kanyang public address noong Martes.
Ininsulto ang dalawang senador. Ang isa ay tinawag na mataba. Ang isa naman ay pinagdiskitahan ang buhok at tinakot na may ipapakita laban dito sa susunod niyang public address. Tinakot ang Senado. Pinagbantaan na hindi pasisiputin ang mga Cabinet secretaries sa mga susunod na hearings. Inugnay ang Commission on Audit (COA) sa corruption. Inulit na tatakbo bilang VP dahil wala daw matinong opposition. Pinagtanggol ang dating economic adviser to the president na si Michael Yang at former DBM undersecretary Lloyd Christopher Lao sa usaping face shield at face mask.
Ilang beses na natin naisulat na ang mga ganitong eksena ay hindi na bago. Ito ay lagi na lang nangyayari sa kanyang mga public address. Imbes pag-usapan ang tungkol sa pandemya at kung papaano mapapagaan ang buhay ng mga taong-bayan sa panahon ngayon ng paghihirap, ginagamit ni Duterte ang okasyong ito para insultuhin, bastusin, murahin at hiyain ang mga kumokontra sa kanya, lalo na ang mga kalaban sa politika.
Ginagamit niya rin ito para isulong ang kanyang sariling political agenda. Nagmistulang political rally o political campaign ang kanyang weekly public address na kung saan pera ng taong-bayan ang ginagamit.
Matatandaan din na noong isang linggo lamang, sinabi ni Duterte na kapag siya ay nahalal bilang VP sa 2022, susuriin (audit) nito ang COA at ang mga ibang government agencies. Hindi na natin kailangan maging abogado pa katulad ni Duterte para malaman na ang VP ay walang kapangyarihang i-audit ang COA at ibang sanghay ng gobyerno.
Nauna rito, sinabihan rin ni Duterte ang COA na “to reconfigure” ang mga audit reports sa mga government agencies na nakitaan ng mga paglabag sa patakaran sa paggamit ng pondo ng bayan. Bilang abogado, dapat alam ni Duterte na ang kanyang pinaggagawa sa COA ay illegal at labag sa batas.
Hindi natin maintindihan kung ano na ang nangyayari kay Duterte mula nang nag-palabas ng mga negative audit reports ang COA sa mga iba’t-ibang government agencies at magsimulang mag-imbestiga ang Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa sinasabing mga anomalya at overpriced na face shield at face mask.
Paulit-ulit niya na lang sinasabi at ginigiit na walang corruption, anomalya at overpriced na nangyari sa Department of Health (DOH) at Department of Budget (DBM) tungkol sa pagbili ng face shield, face mask at iba pa.
Katulad ng mga naunang mga isyu ng corruption laban sa kanyang administrasyon, gusto na lang ni Duterte na tanggapin ng taong-bayan at Kongreso ang kanyang paliwanag, salita at garantiya na walang nangyaring anomalya at corruption sa pagbili ng face shield at iba pa.
Walang corruption, period. Ito ang gustong mangyari ni Duterte. Nakalimutan na niya siguro na siya ay inihalal bilang pangulo at hindi hari.
Buti na lang at mukhang nagbago na ang panahon. Kung noon ay takot ang Senado (Senate Blue Ribbon Committee) na imbestigahan ang mga paratang na corruption na nagaganap sa pamahalaan ni Duterte na maaaring direktang ituro sa Malacanang, ngayon ay handa na nitong gamitin ang kapangyarihang pinagkaloob ng constitution, ang magsagawa ng investigation in aid of legislation tungkol sa kontrabersiya sa pagbili ng sinasabing maanomalya at overpriced na face shield at face mask.
Handa na ang ilan nating mga senador na banggain si Duterte, head-on, ika nga, matapos maging bulag at manahimik sa mahabang panahon. Hindi natin sila masisisi, mahirap din naman talagang magaya sa sinapit ni Senator Leila de Lima matapos lumaban at kumontra ang lady senator kay Duterte mula ng umpisang umupo sa kapangyarihan ang pangulo.
Sa mga susunod na araw, makikita natin kung ano pa ang gagawin ni Duterte bilang pangulo sa usaping overpriced na face shield at face mask. Abangan din natin ang mga hearings na magaganap sa Senate Blue Ribbon Committee tungkol dito at kayo na ang humusga.
Sa ngayon, ang face shield at face mask ay magpapaalala sa ating lahat ng maling pamamalakad ng gobyerno. Ito ay simbolo ng maling pamamahala at corruption sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.