Christian Bables: Kahit ipis ang role payag ako basta makatrabaho ko lang si Joel Lamangan!
“PARA akong gutom, para akong uhaw kapag hindi po ako nakakaarte!” Ito ang pakiramdam ni Christian Bables noong mga panahong nawalan siya ng acting projects dahil sa pandemya.
Inamin ng binata na inatake rin siya ng matinding kalungkutan at panghihinayang nang hindi matuloy ang mga gagawin sana niyang mga projects noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Ngunit sa kabila nito, abot-langit pa rin ang pasasalamat ni Christian sa Panginoong Diyos dahil kahit paano’y nakaka-survive pa rin sila kahit na napakahirap na ng buhay ngayon.
“Awa naman ni God, malakas pa rin po yung family business namin. Our family owns Below The Line agency, it’s a company managed by my mom,” ani Christian sa virtual presscon ng bago niyang pelikula, ang “Bekis On the Run” under Viva Films.
Ang tinutukoy ng aktor ay ang pag-aaring boutique ad agency ng kanyang pamilya. Bukod dito, may sarili na ring negosyo ang aktor.
“Ngayon po, I am trying to open a business—restaurant. Awa naman po ni God, medyo nasu-sustain pa naman po ako ng mga business na naipundar ko rin noon.
“Yung acting for me, kaya ko siya minahal kasi outlet ko ‘yon. Para akong gutom, para akong uhaw kapag hindi po ako nakakaarte.
“So, nu’ng one and a half years na nag-lockdown po tayo, walang mga acting project, medyo na-depress ako nang konti.
“Yung mga pelikula ko na nakahilera sa schedule ko po, lahat po ay na-postpone because of the pandemic,” aniya pa.
“But God moves in mysterious ways. Ang galing naman ni God, ni-lead Niya ako towards Your Face Sounds Familiar.
“Na-discover ko na okey, masaya rin pala kumanta, mag-perform, sumayaw. Kaya ko rin pala. So, isa yun sa mga nagsalba sa akin, kumbaga,” sabi pa ng aktor.
Ang “Bekis On the Run” ang unang pelikula ni Christian ngayong taon na ipalalabas na sa Vivamax simula sa Sept. 17 kung saan muli siyang gaganap na beki katambal ang palabang baguhang sexy actor na si Sean de Guzman.
Kung matatandaan, noong 2017 nasabi ni Christian na hangga’t maaari ay hindi muna siya tatanggap ng gay roles pero napilitan siyang tanggapin ang “Bekis on The Run” dahil sa multi-awarded director na si Joel Lamangan.
“Napag-usapan namin before ng manager ko, si Tito Boy Abunda, na siguro, pahinga muna ako sa paggawa ng gay roles. Pero yung gay roles ang ayaw magpahinga sa akin. Parang gustung-gusto po nila ako,” ani Christian.
Aniya pa, “Isang napakalaking karangalan po na ma-handpick ng isang Joel Lamangan para sa kanyang pelikula. Sino po ako para tumanggi? That’s Direk Joel Lamangan.
“Kahit siguro ang role na ibigay niya sa akin ay ipis, gagawin ko po, ma-experience ko lang na makatrabaho si Direk Joel Lamangan,” aniya pa.
Sa trailer ng pelikula, makikita ang bonggang kissing scene nila ni Sean, “Yung ibang eksena po du’n like yung may kiss, hindi po kami prepared nu’n dahil minsan biglaan na lang.
“Si direk maglalagay ng ganu’ng eksena pero wala naman sa script. And lahat kami nasa-shock dahil nabibigla ka na lang na bibigyan ka niya ng eksena na ganoon.”
Marami nang nagawang beki roles si Christian pero ngayon lang siya nakipaghalikan sa kapwa lalaki, “Doon ako bumabangko sa nabasa ko yung script. Tama si Sean, yung ibang hinihingi ni Direk wala doon sa script pero once na nakapasok ka na du’n sa shoes ng character, kung saan man dalhin ng direktor yung ship kumbaga, masasakyan mo yun. Somehow magiging ready ka.
“Hindi ko rin siya ibibigay kung hindi si Direk Joel to at hindi yung mga direktor na pinagkakatiwalaan ko,” aniya pa.
Another star of the film, Kylie Verzosa, also echoed the sentiments of Bables, stressing the importance of trust in a movie director.
Kasama rin sa movie sina Diego Loyzaga at Kylie Verzosa at mapapanood na simula sa Sept. 17 sa Vivamax.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.