Teleseryeng Sara-Bong Go-Digong-PDP-Laban, di kanais-nais | Bandera

Teleseryeng Sara-Bong Go-Digong-PDP-Laban, di kanais-nais

Jake J. Maderazo |August 27,2021
facebook
share this

Teleseryeng Sara-Bong Go-Digong-PDP-Laban, di kanais-nais

Jake J. Maderazo |
Wag Kang Pikon -
August 27, 2021 - 05:27 PM

Sa Oktubre, dapat lang magwakas na ang nangyayaring hidwaan sa mga kandidatura nina Davao Mayor Sara Duterte, Senator Bong Go at si Pangulong Duterte.  Magkakaalaman ito sa mismong “certificate of candidacy” na isusumite ng tatlo sa COMELEC sa tatakbuhan nilang posisyon.

Pero, dahil sa nakakabiglang “press statement” ni Mayor Sara  na nagbubulgar sa sariling amang Digong , Bong at PDP-laban, maraming  maiinit na “analysis” ang naglabasan.  At marami ang nagtatanong. Isa kaya itong “calculated risk” ni Sara upang lalo siyang pag-usapan?  Isa ba itong pusturang pulitikal para ipakitang iba siya sa tatay at kay Bong ?  Maniobra ba ito upang guluhin ang pinal na paghahanda ng mga kalabang kandidato at oposisyon?

At dahil pulitika, balewala ito sa taumbayan pero matinding paksa sa mga debate. Magugustuhan ito mga “political tacticians”  ng tatlo. Epektibo rin itong panlansi na magtatakip sa ibang importanteng isyu ng bansa. Halimbawa, yung imbestigasyon ng Commission on Audit (COA)  sa mga pondo ng administrasyon o pagbibitiw ni Secretary Fransisco Duque o kaya’y mala-dambuhalang  pork barrel ng mga senador, congressman pati Malakanyang. Sinadya nga ba o hindi ang teleseryeng ito?

Kung tutuusin, hindi kanais-nais ang pagbilad ng mga pagtatalo ng Buena Familia sa  Malakanyang. Ika nga, ito’y “family matter”  na dapat dinadaan sa masinsin at personal na usapan . Naging padalus-dalos ba ang dalawang panig dito?   Kasi nga naman, marami talaga ang nabigla sa  matalinhagang “press statement” ni Mayor Sara.

Hinamon niya ang tatay (nagpasintabi muna sa kanyang nanay)  at si Senator Go na wag siyang isali ng dalawa sa diskarteng pulitika  Binatikos din niya ang PDP-Laban  na huwag siyang isama sa hidwaan sa loob ng partido. Binigyang diin pa ni Sara na hindi raw siya “Last Two Minutes person” dahil siya ay nag-oorganisa at nagpapatupad ng kanyang mga plano.

Dalawang kundisyon ang nabulgar. Una, i-endorso niya ang tambalang President Bong Go, Vice president Digong Duterte na itinutulak ng PDP-Laban Cusi faction. May kwestyong moralidad  at legalidad sa isang outgoing President na tatakbong “Vice President” , isang posisyon na isang derektang hakbang para makabalik siya ng Malakanyang.

Ikalawang kundisyon, kunin niya bilang Vice Presidential candidate si Senator Bong Go.  Bagay na  sa tingin ng iba ay magiging de facto VP si Digong dahil pwede niyang “diktahan” ang kanyang “long time aide” na tapat sa kanya.  At argumento nila, matitiyak ang “continuity” ng mga programa niya sa susunod na anim na taon.

Pero, mas narindi ako nang pagsabihan pa ni Sara ang ama at Go na simpleng iprisinta na lang sa taumbayan ang inaalok nilang panibagong serbisyo sa bansa at tulungan ang mga kababayan natin. Ang impresyon ko tuloy , paghamon ito ni Sara kay Tatay Digong at Bong Go na magbigay ng “plataporma” ng kanilang kandidatura.

Bilang reaksyon, sinabi ni Senator Bong Go na wala siyang balak tumakbo at  susuportahan niya si Sara bilang Presidente. Ayon pa sa kanya,  susundin niya ang pinal na desisyon ng  pamilya Duterte. Sabi naman ng Malakanyang, dapat daw bigyan ng espasyo ang mag-ama upang liwanagin, maresolba  ang  “family matter” na ito.

Pero mula ngayon  at sa unang buwan ng  Oktubre, ang aabangan nating lahat  ay kung susundin ba ni Sara ang  pangalawang  kundisyon ng amang si Digong . Kukunin ba niyang VP si Bong Go ?   O ibang  kandidato ang kanyang kukunin, at susuwayin ang sinasabi ni Tatay Digong?

Mahalagang tandaan natin na sa bandang huli, magkakasundo  ang mag-amang Sara at Digong  at kwestyon na lamang ay kung mangyayari ba ito, bago o  matapos ang May 2021 elections.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

At kapag nagkataon,  ang lahat ng mga maiinit at mapaghamong mga salita binitiwan at nasasaksihan natin ay isang  teleseryeng pulitika pala na puno ng   drama.. At tayong lahat ay isinakay at pinapaikutan sa isang malaki at mabilis na “ferris wheel” o tsubibo.

Sana, tigilan na!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending