Jane nag-goodbye na sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’; ready nang mag-hello bilang Darna
Hindi puwedeng mamatay si ‘Darna’ dahil tagapagligtas siya ng mga nangangailangan.
Ito ang opinyon namin kaya hindi namatay ang karakter ni Jane de Leon bilang si Capt. Lia Mante sa “FPJ’s Ang Probinsyano” sa episode nitong Biyernes, Agosto 20, dahil tutuloy pa siya sa Darna TV series na siya mismo ang bida.
Kasamang binigyan ng graceful exit ni Direk Coco Martin si Jane kasama ang gumanap na magulang niyang sina Fernando (Christian Vasquez) at Amalia (Cristina Gonzales).
Naipaghiganti lang nina Jane ang pagkamatay ng kapatid niyang si Aya Fernadez bilang si Dra. Audrey sa kamay ni Simon Ibarra bilang si Enrique Vera.
At mukhang inabangan ang episode na ito dahil nagtala ang “FPJ’s Ang Probinsyano” ng all time high concurrent viewers na umabot sa 162,831 kaya abut-abot ang pasalamat ng buong team.
Ang huling kuwento nina Jane ay aalis sila ng bansa at doon na maninirahan para makaiwas sa mga gustong gawan sila ng masama at gayun din ang Task Force Aguila na kinailangan na rin nilang lisanin ang bahay ng mga Mante.
Ang episode nitong Biyernes ang last taping day nina Jane, Christian at Cristina at binigyan sila ng konting salu-salo at sinamantala rin ng mga nabanggit na magpasalamat sa ilang buwan nila sa serye.
Ayon kay Jane, “Hi ako po si Jane de Leon, gusto ko lang pong magpasalamat sa inyong lahat sa walang sawang pagsuporta at pagsubaybay sa Ang Probinsyano gabi-gabi.
“At siyempre gusto ko ring magpasalamat sa bumubuo nito sa cast, sa production, at sa staff. Maraming salamat po sa mainit na pagtanggap n’yo po sa akin at sa karakter kong bilang si Lia Mante at siyempre kay direk Coco Martin na napaka supportive sa lahat ng eksena ko, this is Captain Lia Mante signing off.”
Samantala, base rin sa kasalukuyang kuwento ay nalaman na ni Cardo Dalisay kung sino ang pumatay sa asawa niyang si Alyana (Yassi Pressman) kaya ito ang susunod niyng hahantingin, si Geoff Eigenmann ng Black Ops.
Anyway, sa Lunes, Agosto 23 na lalabas ang karakter ni Julia Montes bilang si Mara na isang sniper na kaagad siyang napansin ni Cardo nu’ng bagong dating sila sa Norte kung saan sila magtatago.
Kaagad nabighani ni Mara si Cardo at base sa mga larawang nag viral sa social media ay magkakampi silang dalawa.
Napapanood ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa A2Z, TV5, Kapamilya network at ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Ang programa ay handog ng Dreamscape Entertainment mula sa direksyon nina Coco at Malu Sevilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.