Kylie Verzosa handang isugal ang buhay para sa magandang pelikula ngayong pandemya
Kylie Verzosa
HINDI pala uso kay Kylie Verzosa ang walang ginagawa kahit na maraming COVID-19 variants na ang nagsusulputan sa bansa.
Kung ang iba ay ayaw magtrabaho at ayaw lumabas ng bahay dahil natatakot na baka mahawa ng nakamamatay na virus ay iba ang katwiran ng bida ng pelikulang “The Housemaid” na mapapanood sa Setyembre 10 sa Vivamax, handog ng Viva Films at idinirek ni Roman Perez, Jr..
Aniya, “Ako po talaga as a person hindi ko kayang mag-sitting pretty. Gusto ko talaga magtrabaho at pag wala akong ginagawa maghahanap talaga ako ng gagawin kaya kapag sinasabi nilang mag-taping tayo, game talaga ako as long as gusto ko ‘yung materyal.
“I’m willing to risk my life for this. Masasabi ko pa naman na we had a safe experience dito sa pag-shoot namin,” sabi ng beauty queen.
Pero siyempre nag-iingat din naman si Kylie at sinusunod ang lahat ng health at safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Inamin ng aktres na ang ganitong klaseng pelikula ang gustung-gusto niya kaya labis siyang nagpapasalamat sa Viva Films at siya ang napiling gumawa ng Filipino version ng “The Housemaid” na unang ginawa noong 1960 at 2010 ng South Korea.
“Hindi po ako gagawa ng movie para magpa-sexy lang o bold. Dapat po maganda ‘yung materyal, ‘yung direktor, kaya nagpapasalamat po ako sa Viva kasi ganito ‘yung mga gusto kong movie talaga suspense-thriller,” pag-amin ng dalaga.
At siyempre nagpapasalamat siya sa mga sumuporta sa kanya sa pelikula tulad nina Albert Martinez, Louise delos Reyes at Jaclyn Jose.
“Sobrang I can’t even believe on how to explain how grateful I am to have supporting cast like this. ‘Yung makasama ko lang po si Ms. Jaclyn, si kuya Albert at si Louise parang wow, nakakataba ng puso. Sobrang honored at hindi n’yo lang alam sobrang kinikilig ako kay Ms. Jaclyn at kay kuya Albert.
“Sobrang supportive ni kuya Albert sa alam n’yo na (love scenes), itinago ko na lang sa sarili ko, ‘oh my God, this is a big scene I have to do my job well.’ Tapos pag tapos na, sasabihin niya (Albert), ‘good job’ kaya sobrang na-appreciate ko ‘yun,” pahayag pa niya.
Matindi ang love scenes nina Kylie at Albert kaya hiningan ng reaksyon ang dalaga hinggil dito, “Maganda ‘yung pagkagawa, kaya sobrang na-appreciate ko si direk Roman matatawag talagang actors’ director.
“Sabi nga ng ibang cast na prepared talaga lahat ng shots ni direk, iko-compare mo talaga ang movie namin sa original (2010) or maybe even better. At saka si direk Roman available talaga siya 24/7 para sa mga questions ko like 12 or 1 a.m. nag-uusap pa rin kami,” sabi pa ni Kylie.
Samantala, inamin din ng dalaga na malaking bahagi sa acting career niya ang boyfriend niyang si Jake Cuenca, “I considered it na he’s my mentor, sa kanya ako nanghihingi ng advises at siya rin ang acting coach ko.
“Siya rin ang isa sa nagko-convince sa akin na ‘gawin mo ‘yan, magandang project ‘yan.’ Sobrang supportive talaga ni Jake sa career ko,” kuwento nito sa katatapos lang na zoom mediacon ng “The Housemaid” ngayong hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.