Mura naghirap matapos ang aksidente sa balakang
EMOSYONAL na ibinahagi ni Allan Padua o mas kilala sa tawag na ‘Mura’ ang kaniyang naging buhay matapos ang mawala sa showbiz.
Naging daan nga ang YouTube channel ni Virgielyncares 2.0 para maibahagi ni Mura ang kaniyang pinagdaraanan ngayon.
Makikita sa video na hirap ang dating artista sa paglalakad. Ayon sa kanya, nangyari ito matapos siyang maaksidente kung saan nabali ang kaniyang balakang na nakaapekto sa kaniyang paglalakad.
Sa kabila ng hirap na pinagdaraanan, patuloy pa rin na nagsusumikap si Mura para sa kanyang ama at pamilya.
Siya mismo ang nag-aasikaso ng mga pananim sa kaniyang nabiling lupa na nabili niya noong siya ay nag-aartista pa. Kuwento pa niya, may mga pagkakataon na ninanakaw pa ng iba ang mga pananim niya.
Nang tanungin siya kung kumusta ang kanilang pamumuhay, doon na nagsimulang maging emosyonal ang binata.
“Mahirap talaga kasi wala akong trabaho,” sagot ni Mura.
“Gusto kong bumalik sa pag-aartista. Nagkaroon ng pandemic, ngayon hirap na akong bumalik doon. Mahirap na ‘yung mga byahe byahe.
Aminado siya na hirap siya sa trabahong bukid dala na rin ng kaniyang kondisyon. Aabutin kasi ng halos kalahating oras ng paglalakad bago marating ang kanilang bukid mula sa bahay. Dagdag pa niya, wala siyang nakakatulong dahil matanda na rin ang ama.
Amin rin ng binata, muntik na siyang makabalik ng pag-aartista kaso nga lang ay hindi niya kakayanin ang role dahil hirap na siyang tumakbo.
“Dapat noong nakaraan sasama ako sa “Ang Probinsyano”. Sabi ko di ko na kaya. Isasama sana ako noon nung buhay pa si Tito Eddie Garcia kaso di ko na magtakbo-takbo,” pag-amin niya.
Naluha naman siya nang iabot sa kanya ang P10 thousand na donasyon ng mga OFWs para sa kanya.
Lubos ang pasasalamat ng binata sa lahat ng mga nagbigay ng tulong sa kanya dahil malaking tulong daw ito sa kanyang pamilya.
Ani niya, nawa’y wag sanang magsawa ang mga ito sa pagtulong sa mga taong kagaya niya.
Gusto raw niyang bumili ng baboy at alagaan para lumaki ang kaniyang pera at mayroon rin siyang mapaglibangan.
Para sa mga nais tumulong kay Mura, maaring i-text ang numerong 0906 787 1448.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.