Danica sa banyo ‘humihinga at nagdarasal’ kapag feeling niya ang daming pagsubok na dumarating
Danica Sotto at Marc Pingris
NAGBAHAGI ng ilang tips ang TV host at celebrity mom na si Danica Sotto-Pingris kung paano lalabanan ang ilang mental health issues ngayong patuloy pa rin ang banta ng pandemya.
Aminado ang asawa ng dating PBA player na si Marc Pingris na may mga pagkakataon na dumaranas din siya ng “challenges” lalo na kapag nao-overwhelm siya sa mga nangyayari sa paligid.
Sa pamamagitan ng Instagram, inilista ni Danica ang ilan sa mga ginagawa niyang pangontra kapag nakakaramdam siya ng mga ganitong pagsubok.
Nag-post ang panganay na anak nina Vic Sotto at Dina Bonnevie ng litrato kung saan makikita ang hawak niyang notebook at ballpen.
Aniya sa caption, “What do I do when I feel overwhelmed?
“1. I pause. I go to my bedroom sometimes sa bathroom at doon ako humihinga at nagdadasal.
“Prayer is my most important weapon,” pahayag ni Danica.
Patuloy pa niya, “I journal and I go back to the verses that I’ve highlighted sa Bible because I know God’s word will always encourage and give me strength.”
Bukod dito, talagang nag-o-open up siya kay Marc kapag meron siyang nararamdamang kakaiba dahil alam niyang magagabayan at mapapakalma siya nito.
“Masarap yung feeling na may nasasabihan ka. He comforts me but, at the same time, he also corrects me. Pag may mali din ako, he makes sure na alam ko at kahit masakit pa, he will speak the truth.
“Hindi niya ako kukunsintihin. It’s okay with me para ma improve ko ang sarili ko,” sabi pa ni Danica.
Dagdag pa niya, “I also talk to a close friend or relative. Yung alam ko she/he will give me good advice. Kahit a short convo lang on the phone.
“I miss having coffee dates, too. It really helps when you know that there’s someone who will be there to listen to you. How bout you? Anong ginagawa nyo when you feel ang daming challenges?” lahad pa ng TV host at dati ring aktres.
Sunud-sunod naman ang natanggap na mga positive at inspiring comments ni Danica sa kanyang IG post, ang iba pa nga ay nag-share rin ng kanilang personal experiences bilang wifey at mommy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.