Angeline: Masakit, mahirap pero kailangan ko nang i-let go si Mama Bob…
TANGGAP na ng Kapamilya singer-actress na si Angeline Quinto na wala na sa piling niya ang kanyang pinakamamahal na ina na si Mama Bob.
Ayon kay Angeline, naniniwala siya na tahimik at maligaya na ngayon ang yumaong ina kung saan man ito naroroon ngayon. At nararamdaman din niya na mula sa kinaroroonan nito ay palagi siya nitong ginagabayan.
Nakachikahan namin ni Angge kasama ang ilan pang miyembro ng entertainment media sa face-to-face presscon para sa bago niyang endorsement. Siya ang napili bilang kauna-unahang celebrity endorser ng Ayesha Beauty Products Corporation.
Dito natanong namin siya kung ipinagluluksa pa rin niya until now ang pagyao ni Mama Bob at kung nagpaparamdam ba ito sa kanya o nagpapakita sa panaginip.
“Actually Kuya Ervs, nasa likod mo siya,” ang birong chika sa amin ni Angge sabay tawa na ibig sabihin ay talagang moving forward na siya matapos iwan ng kinagisnan niyang nanay.
Pagpapatuloy ni Angeline, “Alam n’yo po, lagi kong sinasabi, yung pangungulila ko sa nanay ko hindi na matatapos yun pero alam ko sa sarili ko na bago ko i-let go si Mama Bob buong-puso kong tinanggap yun kasi alam kong tapos na ang misyon niya rito, alam kong kailangan na siya roon.
“Kasi before naman po nu’ng buhay pa ang mama ko, sobrang open kami sa isa’t isa at napag-uusapan namin yun, sabi ko kay Mama, ‘Alam mo Ma kung ang misyon mo sa buhay ay maiayos ang buhay ko, nagawa mo na.’
“Kaya bukal po talaga sa loob ko yun na i-let go na siya, masakit, mahirap pero wala naman akong ibang pinagkakatiwalaan, lahat ng buhay natin hiram lamang sa Diyos so siguro talagang kailangan nang umalis si Mama Bob, so tinanggap ko na yun nang buong-puso,” pahayag pa ng dalaga.
Samantala, sa muling pagharap ng biriterang singer sa press hindi niya napigilan ang maiyak sa sobrang saya dahil sa gitna ng pandemya ay may isang kumpanya na nagtiwala sa kanya para maging ambassador ng kanilang mga produkto.
Sey ng dalaga, isang answered prayer ang nasabing project dahil sa kabila nga ng mga challenges na pinagdaanan niya sa buhay nitong mga nagdaang buwan ay may mga dumarating pa ring blessings sa kanya.
Ayon sa CEO ng ABP na si Armie Rosale Agmata, nagpapasalamat sila kay Angeline dahil hindi ito nagdalawang-isip na maging bahagi ng kanilang kapamilya.
Aniya, dahil sa hit song nitong “Patuloy ang Pangarap,” naitaguyod nila at napalago ang kanilang negosyo na nagsimula nga sa mga beauty products.
“Tulad ni Angelina, nag-umpisa ako sa hirap at marami ang pinagdaanan sa buhay pero pinagpatuloy ko pa rin ang pangarap ko at naging inspirasyon ko talaga ang kanta niya kaya masaya ako na siya ngayon ang first endorser namin,” pahayag ni Armie.
Todo naman ang pasasalamat ni Angeline kay Armie at sa lahat ng bumubuo sa ABP dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya bilang first celebrity ambassador ng Ayesha.
Aniya, nakakatuwa at nakaka-touch daw na malaman na napakalaki ng nagawa ng kanyang kanta para mabago ang buhay ni Armie pati na ng lahat ng kanyang mga empleyado at distributor.
“Sobrang relate ako sa kuwento ni Ms. Armie kaya masaya ako na maging bahagi ng Ayesha family dahil talagang pinaghirapan at dugo’t pawis ang puhunan nila para maitatag ito,” pahayag ni Angeline.
“Masaya ako siyempre sa endorsement na ibinigay sa akin pero iba pa rin yung fullfilment noong nalaman ko na may mga na-inspire ako sa kanta ko.
“Bilang singer iyon talaga ang gusto namin, yung maka-connect sa puso ng mga nakikinig sa amin. Yung kay Ms. Armie higit pa roon ang nangyari dahil naging motivation pa niya ito para magtagumpay sa buhay at makatulong sa ibang tao,” sabi pa ni Angge.
Ilan sa mga ipinagmamalaking produkto ng Ayesha ay ang kanilang rejuvinating kit na may lamanng Kojic soap, rejuvenating cream at toner, collagen with elastin cream at sunblock gel cream.
Sabi ni Armie, “Noon pangarap lang din sa akin na pumuti o gumanda ang kutis kaya nu’ng na-discover ko tong rejuvinating kit, sabi ko sana marami rin makagamit nito kaya naghanap ako ng supplier, nag-umpisa ako sa maliit na halaga, at pinagsikapan ko talaga. Ngayon may saliri na kaming planta at nadagdagan pa ang products namin.”
Para sa karagdagang impormasyon, bumisita lang sa kanilang Facebook page, www.facebook.com/abpcorpph.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.