#PaalamNa: Willie iiwan na nga ba ang Wowowin para tumakbong senador sa 2022?
“MAWALA man ako sa mundo, sana meron pa ring Wowowin!”
Iyan ang bahagi ng naging pahayag ni Willie Revillame nang ibalita niya sa publiko ang tungkol sa mabigat na desisyong kailangan niyang gawin sa mga darating na araw.
Ipinagdarasal daw niya na sana’y tama ang gagawin niyang hakbang sa bahaging ito ng kanyang buhay at career na lalo na sa kanyang programang “Wowowin Tutok To Win.”
“Sa tamang panahon sasabihin ko ho ‘yung magiging desisyon ko, at sasabihin ko dito sa programang ito.
“Mawala man ako, gusto ko meron pa ring isang host na makakausap niyo. Kung sakali hong ang maging desisyon ko sa buhay ko ay mabigat, ipagdadasal ko itong mabuti, pag-iisipan ko itong mabuti,” pahayag ng TV host-comedian.
Aniya, gusto niyang magtuluy-tuloy pa rin ang programa kahit iba na ang host dahil sa dami ng natutulungan nito.
“Itong programang ito dapat ho ay laging nandiyan, mawala man ako sa mundo, sana meron pa ring Wowowin.
“Siyempre dumarating ang time sa buhay mo na dapat kang magdesisyon, sa tamang panahon, sa tamang oras ho sasabihin ko kung ano ang magiging desisyon ko sa buhay. Iniisip ko lahat,” sey pa ni Willie.
Nangako naman ang komedyante na ang unang makakaalam tungkol sa magiging desisyon niya ay ang kanyang mga tagasuporta at viewers ng “Wowowin.”
“Sa bawat nakakasama ko sa industriyang ito, bago ako magdesisyon sa buhay ko kayo ang makakaalam, walang iba.
“Dito sa programang ito malalaman niyo ho kung ano ang desisyon ko. Abangan niyo po ‘yan, pero wala pang desisyon,” aniya.
Wala namang binanggit si Willie kung ano ang mabigat na desisyon na kailangan niyang gawin pero ang paniniwala ng lahat ito’y may kaugnayan sa darating na Eleksyon 2022.
Dati nang napabalita na patuloy na kinukumbinsi ni Pangulong Rodrigo Duterte si Willie na tumakbo bilang senador sa national elections next year.
Pero bukod nga rito, posible ring may kinalaman ito sa kanyang kalusugan, “Sa totoo lang ho kanina wala akong boses. Talagang totally wala paggising ko.
“Kaya hindi ako nagsasalita. Dito lang ako nagsalita, pagpasok ko, thank you Lord, may boses ulit ako,” sabi ni Willie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.